Home NATIONWIDE VP Sara: Walang dayuhang korte na dapat mangibabaw sa soberanya ng Pilipinas

VP Sara: Walang dayuhang korte na dapat mangibabaw sa soberanya ng Pilipinas

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Vice President Sara Duterte na walang dayuhang korte o bansa ang dapat mangibabaw sa soberanya ng Pilipinas matapos ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto at pagsuko sa kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa International Criminal Court (ICC).

Sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 25, sinabi ng Bise Presidente na dapat manatiling pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at karapatang konstitusyonal ng bawat Pilipino.

Kinuwestiyon din niya ang pagbasura sa mga petisyon bilang moot o wala nang praktikal na remedyo, dahil aniya’y nakapaloob sa usapin ang soberanya ng bansa at pananagutan ng pamahalaan sa mga mamamayan.

Nauna nang ibinasura ng Supreme Court (SC) noong Nobyembre 24 ang mga petisyon para sa writ of habeas corpus na inihain ng mga anak ng dating Pangulo.

Ayon sa Korte, hindi na maaaring ipatupad ang nasabing remedyo dahil nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague, Netherlands, si Duterte.

Ipinaliwanag ng SC na hindi na hawak o kontrolado ng mga opisyal ng Pilipinas ang dating Pangulo, kaya hindi na nila maaaring ipatupad ang anumang kautusang naglalayong iharap siya sa isang lokal na hukuman.

Gayunman, nilinaw ng Korte Suprema na hindi nito pinagpasiyahan kung legal o ilegal ang pag-aresto at pagsuko kay Duterte noong Marso 11, 2025, o kung may nalabag na karapatang konstitusyonal.

Samantala, inihayag ng abogado ng isa sa mga anak ng dating Pangulo na maghahain sila ng motion for reconsideration upang muling suriin ng Korte ang desisyon.

Nananatili sa kustodiya ng ICC si Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa mga pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here