MANILA, Philippines – Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat litisin sa mga korte sa Pilipinas, sa halip na sa International Criminal Court (ICC), ang mga ilegal na pagpatay na naganap sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga.
Sa 77-pahinang pre-trial filing na isinapubliko noong Nobyembre 25, sinabi ng depensa na hindi umano sapat ang mga ebidensiya upang maituring na crimes against humanity ang mga pagpatay na iniuugnay sa dating Pangulo.
Ayon sa lead counsel nitong si Peter Haynes, hindi itinatanggi ng depensa na may mga ilegal na pagpatay na ginawa ang mga pulis sa panahon ng war on drugs.
Gayunman, iginiit niyang hindi nangangahulugan na ang mga pagpatay ay bahagi ng malawakan o sistematikong pag-atake laban sa populasyong sibilyan sa ilalim ng isang patakaran ng pamahalaan o organisasyon.
Kinuwestiyon din ng kampo ni Duterte ang 85 pagpatay at dalawang tangkang pagpatay na kabilang sa mga kasong inihaharap ng prosekusyon.
Ayon sa depensa, kahit mapatunayan ang mga naturang insidente, kailangan pa ring patunayan ang mga elementong itinakda sa Article 7 ng Rome Statute upang maituring ang mga ito na crimes against humanity.
Bukod dito, tinutulan ng depensa ang paggamit sa mga talumpati at pahayag ni Duterte bilang patunay ng kanyang kriminal na layunin.
Iginiit nito na dapat isaalang-alang ang kontekstong pangkultura at pangwika sa pagbibigay-kahulugan sa mga pananalita ng dating Pangulo.
Kabilang dito ang mga salitang tulad ng “Papatayin kita,” na ayon sa depensa ay hindi dapat awtomatikong ituring na literal na utos na pumatay.
Binanggit din nito ang istilo ng pananalita sa Visayas at Cebuano, kabilang ang bugalbugal o panunuksong may halong biro, at ang paggamit ng mabibigat na salita sa pagpapahayag ng awtoridad o pagsaway.
Kinuwestiyon din ng kampo ni Duterte ang interpretasyon ng prosekusyon sa salitang “neutralization” na nakasaad sa Command Memorandum Circular No. 16-2016 ng Philippine National Police.
Ayon sa depensa, ginagamit na ang naturang termino sa mga dokumento ng pulisya at militar bago pa man maging Pangulo si Duterte at hindi ito awtomatikong nangangahulugan ng pagpatay.
Bukod sa mga usaping ito, iginiit ni Haynes na may umiiral na sistema ng hustisya sa Pilipinas na may kakayahang magsiyasat at maglitis ng mga kasong pagpatay.
Binanggit ng depensa ang mga naihain nang kaso sa mga lokal na korte at ang pagkakatatag ng Philippine Truth and Reconciliation Commission, na pinamumunuan ni dating ICC judge Raul Pangalangan.
Ayon sa kampo ni Duterte, dapat pangasiwaan ng mga lokal na korte ang pananagutan sa mga pagpatay, sa halip na ilipat sa isang internasyonal na hukuman ang mga kaso.
Sa kabilang panig, naninindigan ang ICC prosecution na ang mga pagpatay ay bahagi ng umano’y malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.
Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang tatlong sakdal ng crimes against humanity laban kay Duterte, na nagbigay-daan upang umusad ang kaso sa paglilitis.
Hindi pa ito nangangahulugang napatunayan ang pagkakasala ng dating Pangulo.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands, kung saan inaasahang ihaharap ng prosekusyon ang mga testigo at ebidensiya nito. Dave Medina