Home NATIONWIDE 15th OFW and Family Summit, umarangkada sa Las Piñas

15th OFW and Family Summit, umarangkada sa Las Piñas

2
0

INAASAHANG maghahatid ng iba’t ibang oportunidad sa kabuhayan, pamumuhunan at negosyo para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya ang ika-15 OFW and Family Summit 2026 na idaraos ngayong Huwebes, Nobyembre 26, sa Las Piñas City.

Inorganisa ng Villar Foundation, gaganapin ang pagtitipon sa The Tent at Vista Global South, C-5 Extension Road, simula alas-8 ng umaga.

Pangungunahan ang aktibidad nina dating Senate President Manny Villar, dating Senadora Cynthia Villar, Senador Mark Villar at Senadora Camille Villar.

Bitbit ang temang “Itaguyod ang Kabuhayang Pangmatagalan sa Sariling Bayan,” layunin ng summit na mabigyan ng kaalaman at gabay ang mga OFW at kanilang pamilya upang makapagtayo ng pangmatagalang kabuhayan at magkaroon ng mas matatag na kinabukasan sa Pilipinas.

Tampok sa programa ang pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa pamumuhunan, mga napapanahong ideya sa negosyo at pagkakakitaan, gayundin ang iba’t ibang programang maaaring makatulong sa mga pamilyang umaasa sa kita ng mga OFW.

Magkakaroon din ng livelihood showcase, pamamahagi ng home appliances at livelihood packages, gayundin ng raffle na may pagkakataong manalo ng bahay at lupa mula sa Camella Homes.

Libre ang pagdalo sa summit para sa mga OFW at kanilang immediate family members, kabilang ang kanilang asawa, anak, magulang at kapatid.

Pinapayuhan ang mga interesadong dumalo na magparehistro sa pamamagitan ng OFW Summit online portal o sa mga itinalagang registration desk sa Vista Mall at Starmall branches sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kinakailangan ding magdala ng kahit isang dokumentong magpapatunay na OFW o kapamilya ng isang OFW ang dadalo, gaya ng pasaporte na may working visa, proof of remittance, seaman’s book, job contract, marriage certificate o birth certificate.

Matapos magparehistro, kailangang hintayin ang kumpirmasyon na ipapadala sa pamamagitan ng email o mobile phone.

Inaasahang magsisilbing pagkakataon ang taunang pagtitipon upang matulungan ang mga OFW at kanilang pamilya na mapalawak ang kaalaman sa pagnenegosyo at makahanap ng alternatibong pagkakakitaan upang hindi lamang umasa sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here