Home NATIONWIDE Gen Z mas gusto na kape kaysa alak; buwis sa kape, inihirit...

Gen Z mas gusto na kape kaysa alak; buwis sa kape, inihirit na taasan

1
0

MANILA, Philippines – IPINANUKALA ng isang kinatawan ng Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) ang pagpapataw ng excise tax sa kape sa gitna umano ng pagbabago sa nakagawian ng mga kabataang mamimili na mas pinipili na ito kaysa mga inuming de-alkohol.

Inihain ni DSAP representative Olivia Limpe-Aw ang mungkahi sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means nitong Miyerkules, Nobyembre 25, kaugnay ng mga panukalang dagdag-buwis sa mga produktong alkohol.

Ayon kay Limpe-Aw, halos nasa pinakamataas na antas na ang pagbubuwis sa industriya ng alak, kaya iminungkahi niyang pag-aralan naman ang pagpapataw ng buwis sa kape dahil sa nagbabagong consumer behavior, partikular sa Generation Z.

Binanggit niya na hindi na umano gaanong umiinom ng alak ang mga kabataang kabilang sa Gen Z at mas nahihilig na sa kape.

Sinagot naman ito ni Ways and Means Committee Chairperson at Marikina Rep. Miro Quimbo sa pabirong paraan at sinabing unahin muna nilang talakayin ang buwis sa alak upang hindi dumami ang mga antukin kapag kape na ang pag-usapan.

Samantala, ipinakita ng datos ng Department of Finance (DOF) na bumaba ng 24.8% ang koleksiyon mula sa excise tax sa locally manufactured wine nitong Enero hanggang Setyembre kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bumaba rin ng 0.2% ang koleksiyon mula sa locally manufactured fermented liquor sa nasabing panahon.

Hindi ito ang unang pagkakataong iminungkahi ang pagpapataw ng buwis sa mga produktong kape.

Noong Setyembre, nagmungkahi rin sina Bataan Rep. Antonino Roman III at Albay Rep. Krisel Lagman ng flat excise tax sa 3-in-1 coffee at flavored fermented milk dahil sa mataas na sugar content ng mga ito.

Ayon naman kay Finance Undersecretary Karl Adriano, kabilang sa orihinal na panukala ng DOF ang pagtanggal sa tax exemption ng 3-in-1 coffee at flavored fermented milk.

Gayunman, inalis muna ang mga ito matapos ang konsultasyon sa mga stakeholder.

Ipinaliwanag ni Adriano na ginagamit din ng pamahalaan ang flavored milk sa mga nutrition program nito, habang karaniwang kinokonsumo naman ng mga mahihirap ang 3-in-1 coffee. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here