MANILA, Philippines – Pinawalang-bisa ng Supreme Court (SC) ang kasong election overspending na isinampa ng Commission on Elections (Comelec) laban kay Ligaya Tagros-Uy, na tumakbo bilang alkalde ng Bobon, Northern Samar noong 2019 elections.
Kinasuhan si Tagros-Uy ng paglabag sa Section 100 kaugnay ng Section 262 ng Omnibus Election Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 7166.
Bilang kandidato ng isang political party, pinapayagan lamang siyang gumastos ng P51,684, batay sa P3 kada botante mula sa 17,228 rehistradong botante. Gayunman, P51,864 ang idineklara niya sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong Mayo 21, 2019, o P180 na lampas sa itinakdang limitasyon.
Nilinaw ng SC na hindi ang halaga ng sobrang gastos ang dahilan ng pagpapawalang-bisa sa kaso kundi ang hindi makatarungang tagal ng pagresolba rito.
Nagsampa ng reklamo ang Comelec Campaign Finance Office noong Abril 28, 2021, ngunit Abril 24, 2024 na lamang naglabas ng probable cause ang komisyon. Noong Pebrero 5, 2025 naman tinanggihan ang motion for reconsideration ni Tagros-Uy.
Ayon sa SC, dapat ay 25 araw lamang ang preliminary investigation batay sa sariling patakaran ng Comelec—20 araw para matapos ang imbestigasyon at limang araw para maglabas ng resolusyon.
Dahil dito, sinabi ng SC na nalabag ang karapatan ni Tagros-Uy sa speedy disposition of cases dahil sa inordinate delay. Hindi rin nangangahulugan ng pagtalikod sa karapatang ito ang hindi niya pagtutol sa pagkaantala.
Bilang resulta, binura ng SC ang mga resolusyon ng Comelec noong 2024 at 2025 at iniutos ang pagbasura sa anumang kasong kriminal na nagmula rito.
Unanimous ang desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio T. Kho Jr. at inilabas sa publiko noong Nobyembre 25. Jocelyn Tabangcura-Domenden