Home HOME BANNER STORY 1 government-issued ID lang kailangan ng companion sa pag-avail ng PWD discount

1 government-issued ID lang kailangan ng companion sa pag-avail ng PWD discount

1
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na isang valid government-issued identification card lamang ang kailangang ipakita ng companion o caregiver na bibili para sa isang person with disability (PWD) upang makapag-avail ng diskuwento.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10754, na nagpapalawak sa mga benepisyo at pribilehiyo ng mga PWD sa ilalim ng Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability, kailangang ipakita ang sumusunod: Orihinal na PWD ID na inisyu ng Persons with Disability Affairs Office, City Social Welfare and Development Office, Municipal Social Welfare and Development Office o NCDA; at isang valid government-issued ID ng companion o caregiver na bibili para sa PWD.

Binigyang-diin ng NCDA na walang nakasaad sa umiiral na batas at mga alituntunin na kailangang magpakita ng dalawang government-issued ID ang companion o caregiver.

Kasunod ito ng mga ulat na may customer umanong hindi pinagbigyan ng PWD discount dahil hindi nakapagpakita ng dalawang government-issued ID nang bumili para sa batang may kapansanan.

Sinabi ng NCDA na makikipag-ugnayan ito sa Department of Trade and Industry (DTI) upang muling maglabas ng pangkalahatang abiso sa mga food establishment at iba pang negosyo sa buong bansa tungkol sa tamang proseso ng pagbibigay ng PWD discount.

Susuriin din ng konseho ang iniulat na insidente at makikipag-ugnayan sa kinauukulang establisimyento upang linawin ang mga pangyayari at matiyak ang pagsunod sa batas at mga alituntunin.

“Persons with disabilities and their families deserve dignity, respect, and fair treatment wherever they go. We expect all establishments to know and comply with the law—not impose unnecessary requirements that create inconvenience and hardship for persons with disabilities and their companions,” pahayag ng NCDA.

Hinimok din ng konseho ang publiko na iulat sa NCDA at sa kinauukulang local government units ang anumang insidente ng hindi pagbibigay ng mga benepisyong naaayon sa batas upang maaksyunan ito. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here