Home NATIONWIDE Dambuhalang utang ng bansa, titiyakin ni Cayetano na di mamanahan ng mga...

Dambuhalang utang ng bansa, titiyakin ni Cayetano na di mamanahan ng mga bata

2
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa kapwa opisyal ng gobyerno na resolbahin ang lumalaking utang ng bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng isang ekonomiyang nakapagbibigay ng mga pangmatagalang oportunidad sa mga Pilipino ngayon at sa susunod na henerasyon.

“Let us start by being that kind of leader, so our children inherit more than a debt to repay. Let them inherit a country they can believe in, and one they will want to help build,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook post nitong November 25, 2026.

Kasunod ito ng naging talakayan noong Lunes sa plenaryo kaugnay ng proposed 2027 national budget, kung saan tinanong ni Cayetano kung maaaring magkaroon ang pamahalaan ng mekanismo para sa mga Pilipinong nais na kusang-loob na mag-aambag para mabawasan ang mahigit P19 trilyong utang ng bansa.

Sa kanyang post, sinabi ng senador na kailangang kumilos ang Pilipinas upang palakasin ang ekonomiya habang may panahon pa at maibalik ang pag-asa ng publiko sa kinabukasan ng bansa.

Giit niya, hindi na dapat hintayin pag magkaroon ng financial crisis bago kumilos ang bansa, at hinimok ang lahat ng Pilipino na makiisa rito.

“Should we not act before one comes? Many, regardless of political color, have warned that we are close to being the sick man of Asia again. Isn’t prevention better than cure?” wika niya.

Anumang hakbang na pang-ekonomiya ay dapat aniyang maramdaman ng ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng mas matatag na trabaho, sapat na sahod, at serbisyong pampubliko na nakararating sa bawat rehiyon.

Kasabay nito, nanawagan si Cayetano ng responsableng pangungutang at paggastos ng gobyerno, at siguraduhing may pangmatagalang pakinabang sa bansa ang bawat uutangin nito.

“We have to borrow less and borrow better, and spend with care,” wika niya.

Bilang halimbawa kung paano makatutulong ang mga mamamayan sa pagbangon ng bansa, binanggit ni Cayetano ang karanasan ng South Korea noong 1997 Asian financial crisis.

Milyon-milyong South Korean noon ang kusang nagbigay ng kanilang mga gintong alahas at iba pang mahahalagang gamit upang makatulong na mapalakas muli ang foreign currency reserves ng kanilang bansa.

Gayunman, nilinaw ni Cayetano na hindi lang ang nasabing donasyon ng ginto ang naging dahilan ng pagbangon ng South Korea. Susi din aniya rito ang mga repormang pang-ekonomiya, paglakas ng exports, at ilang taong pagsasakripisyo ng mga mamamayan.

Nakasalalay din aniya ang katatagan ng ekonomiya sa integridad at pananagutan ng mga namumuno, dahil mahalaga ang tiwala ng publiko sa paghikayat sa kanilang makibahagi sa pagpapaunlad ng bansa.

“A nation’s finances follow its character. Where leaders are careful with what is not theirs, and citizens can see it, people give more than gold. They give effort, patience and good faith. Where that is missing, no fund, no bond and no appeal will fill the gap,” pahayag ng senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here