MANILA, Philippines – Pinasalamatan ni Senator Risa Hontiveros ang Senado sa pag-apruba sa ₱253.54 bilyong budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 2027
Kabilang ang amyenda na dagdagan ng pondo ang Assistance to Individuals in Crisis Situation program (AICS) bilang paghahanda sa Super El Niño at tugon sa lumalalang kondisyong pang-ekonomiya.
“Hindi natin kailangang hintaying mawalan ng kabuhayan o magutom ang ating mga kababayan bago tayo kumilos. We must ensure timely assistance, livelihood recovery, and protection against deeper poverty,” sabi ni Hontiveros nang simulan niyang tumanggap ng mga tanong sa plenaryo sa budget ng DSWD nitong Miyerkules ng gabi.
Sa pamamagitan ng Finance Subcommittee na kanyang pinamumunuan, isinulong ni Hontiveros ang ₱14.91 bilyong dagdag para sa AICS upang matiyak na magkakaroon ng access ang mga Pilipino sa financial aid kung kakailanganin nila ito dahil sa epekto ng Super El Niño at krisis sa ekonomiya.
Isinulong din ni Hontiveros ang karagdagang ₱920 milyon para sa Sustainable Livelihood Program, at ang pagbabalik ng Quick Response Fund sa ₱3 bilyon, na lahat ay tinanggap ng Senado.
Sa kabuuan, ang mga amyenda ni Hontiveros ay nagkakahalaga ng ₱12.65 bilyong pagtaas sa budget ng DSWD mula sa orihinal na panukala ng administrasyon sa National Expenditure Program.
“Hindi lamang ayuda ang layunin natin, kundi isang sistemang maaasahan sa panahon ng krisis at nagbibigay ng tunay na pagkakataong makaahon sa kahirapan,” sabi ni Hontiveros.
Idinagdag niya na nagpanukala rin siya ng karagdagang pondo upang suportahan ang residential care, child protection, juvenile justice, alternative child care, disability rights programs, anti-poverty programs, at urban poor engagement.
Sinabi rin ni Hontiveros na poprotektahan pa rin ng budget ng DSWD ang mga pamilyang kwalipikadong ma-enroll sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, susuportahan ang mga indigent senior citizens, at palalakasin ang mga nutrition at community resilience programs.
“These priorities advance DSWD’s longer-term direction toward adaptive social protection, progressive realization of universal social pension, and economic resilience beyond conditional cash transfers,” sabi ni Hontiveros. Ernie Reyes