Home NATIONWIDE Malakanyang, nananawagan sa PNP ng mas pinaigting na kapayapaan, kaayusan sa Cordillera

Malakanyang, nananawagan sa PNP ng mas pinaigting na kapayapaan, kaayusan sa Cordillera

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Malakanyang sa Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang kaligtasan ng publiko at pangangalaga sa mga komunidad, partikular sa mga kanayunan, kasabay ng pagdami ng mga turistang bumibisita sa rehiyon ng Cordillera.

“Ang utos ng Pangulo, palakasin ang proteksyon ng taong bayan, pakikipag-ugnayan sa barangay para sa isang ligtas na komunidad, police visibility, barangay mobilization para sa mas protektadong mamamayan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Binigyang-diin pa rin ni Castro na hindi lamang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ang tungkulin ng PNP, kundi dapat din itong magbigay ng tulong at proteksyon, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan ng pangangalaga.

Bumisita si Castro sa Baguio at Benguet bilang bahagi ng inisyatiba ng Malakanyang na ilapit ang mga press briefing sa iba’t ibang rehiyon at mabigyan ang mga lokal na mamamahayag ng direktang pagkakataong makapanayam ang mga opisyal ng pamahalaan.

Bumisita rin siya sa Police Regional Office-Cordillera (PROCAR) upang iparating ang mga tagubilin ng Pangulo.

Ayon kay Castro, nais ng Malakanyang na suriin ang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon dahil mahalaga ito sa mga residente at sa industriya ng turismo.

“Minabuti po nating malaman kung ano ang sitwasyon ng peace and order dito sa inyong rehiyon dahil mahalaga kay Pangulo na ang maayos na kapaligiran hindi lamang magiging kampante ang residente kundi para sa turismo, lalong-lalo na dito sa Baguio City at Benguet, Mountain Province, na talagang dinadayo,” ang litaniya ni Castro.

Binanggit din ni Castro ang Project Patnubay ng PNP sa Cordillera, na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga pulis at komunidad sa pamamagitan ng regular na pagbisita sa mga barangay, pagsusuri sa mga pangangailangan ng mga residente, pagbabahagi ng impormasyon, at pagsasanay sa mga tauhan tungkol sa mga sistema ng pagsangguni at pagsubaybay.

Nakatuon ang programa sa mga sektor na higit na nangangailangan ng pangangalaga, kabilang ang mga bata at kabataan, senior citizen, mga taong may espesyal na pangangailangan, kababaihan, at iba pang grupong nangangailangan ng tulong.

Layunin din nitong tukuyin ang kanilang mga pangangailangan at iugnay sila sa mga angkop na ahensya at serbisyong pampamahalaan.

Tiniyak ni Castro sa publiko na maaasahan ang kapulisan sa tuwing nangangailangan ng tulong ang sinuman.

Samantala, hinikayat ni Castro ang publiko na isaalang-alang ang pamumuhunan sa mga treasury bond na inilalabas ng pamahalaan. Ayon sa kanya, maaari itong magbigay ng makatwirang kita sa mga mamumuhunan habang nakatutulong din sa pagpopondo ng mga programa ng gobyerno.

Sinabi niya na dapat mag-alok ang pamahalaan ng mapagkumpitensyang interest rate na kapaki-pakinabang kapwa sa gobyerno at sa mga mamumuhunan.

Nagbukas ang Bureau of the Treasury (BTr) ng alok na tatlong-taong Retail Dollar Bonds na may taunang interest rate na 5.65 porsiyento, kung saan sasagutin ng pamahalaan ang buwis na kaugnay nito.

Ang pinakamababang halaga ng pamumuhunan ay USD 200, hanggang sa halagang katumbas ng PHP 500,000.

Ayon sa BTr, nagbibigay ang programa ng retail bonds sa publiko ng ligtas at maaasahang paraan ng pamumuhunan, habang binibigyan din sila ng pagkakataong makibahagi sa pagpopondo ng mga programa at proyekto ng pamahalaan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here