Home NATIONWIDE P785-M budget ng OVP, aprubado sa Senado sa loob ng isang minuto

P785-M budget ng OVP, aprubado sa Senado sa loob ng isang minuto

2
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa loob lamang ng isang minuto ang panukalang ₱785.2 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027 matapos walang senador na maghain ng katanungan o pagtutol sa plenary session nitong Huwebes, Nobyembre 26.

Personal na dumalo sa sesyon si Vice President Sara Duterte, kasama sina OVP Chief of Staff Zuleika Lopez, Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio at iba pang opisyal ng tanggapan.

Dakong alas-1:06 ng hapon nang iharap ni Sen. JV Ejercito, sponsor ng panukalang budget, ang alokasyon ng OVP sa plenaryo.

Gayunman, walang senador na nagtanong hinggil sa panukalang pondo kaya agad na naghain ng mosyon si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri para aprubahan ito bilang bahagi ng tradisyunal na courtesy sa tanggapan.

Inaprubahan naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mosyon makalipas ang isang minuto, nang walang pagtutol mula sa mga senador.

Nang hingan ng pahayag ng mga mamamahayag matapos ang pag-apruba, tanging “Merry Christmas sa inyo” ang naging tugon ni Duterte.

Batay sa panukalang alokasyon, nakalaan ang ₱220.232 milyon para sa Personnel Services (PS), ₱561.651 milyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), at ₱3.321 milyon para sa Capital Outlay.

Mayroon ding awtomatikong alokasyong ₱15.544 milyon para sa Retirement and Life Insurance Premium (RLIP) ng mga kawani ng OVP.

Nauna nang inaprubahan ng Senate Finance Subcommittee ang panukalang budget ng OVP noong Oktubre matapos ang 16-minutong briefing.

Ayon sa OVP, gagamitin ang panukalang pondo upang ipagpatuloy ang paghahatid ng mga serbisyo at tulong sa mga benepisyaryo sa buong bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here