SOBRANG binalasubas at magulo ang bersyon o ang panukalang batas sa pangkalahatang pondo (General Appropriations Bill) para sa 2027 ng Kapulungan ng mga Kinatawan.
Tiniyak lamang ng mga kongresista sa kanilang panukala na maipapasok ang kani-kanilang interes o mga pondo para sa mga proyekto at ipinasa ang isang plano ng paggasta na lubhang malayo sa tunay na kalagayang pang-ekonomiya na kinakaharap ng bansa.
Mistulang pinarte-parte na ng mga mambabatas na para bang sarili nilang pera ang gagastusing pondo sa susunod na taon nang hindi iniisip kung makatutulong ba ito sa kabuuan ng ating ekonomiya.
Ngayon, kakaunting panahon lamang ang nalalabi sa Senado para suriin o tasahin ito nang mabuti sapagkat mas gumugugol sila ng mahabang oras sa walang saysay na paglilitis o Impeachment trial para mapatalsik si Vice President Sara Duterte sa poder.
Hindi sapat ang “pagkukunwari” na tinatanggal nila ang mga “halatang pondong pampulitika” na isiningit para sa layuning pang-eleksyon, lalo’t papalapit na ang halalan.
Ang pinakamahalaga ay suriin ang mga pagtataya tungkol sa inaasahang kita para sa taong 2027.
Sobrang bumagal ang pag-unlad ng ating ekonomiya. Ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan ay patuloy na tumataas. Dahil dito, kailangang bawasan ang paggasta ng pamahalaan.
Magiging malaking kagaguhan kung maglalaan ang pamahalaan ng halagang hindi kayang bayaran ng inaasahang kita. Ito ay magbubunga ng mga programang walang nakalaang pondo at magtutulak sa gobyerno na humiram nang higit pa.
Sa huli, hahantong tayo sa isang pamahalaang baon sa labis na utang.
Batay sa pagtataya ng ilang ekonomista, bababa ang kita dahil sa pagbagal ng ekonomiya. Anila, mas mainam na bawasan ang panukalang badyet para sa 2027 ng hindi bababa sa isang trilyong piso.
Mahirap ito dahil ang mababang paggasta ng pamahalaan ay maaaring magpababa pa sa ating pag-unlad. Ngunit sa ganitong paraan, maiiwasan ang labis na paghiram na hindi na kakayanin sapagkat ang panganib ng hindi pagbabayad ng utang ay maaaring magdulot ng matinding pagkawasak sa ating ekonomiya.
Anang mga ekonomista, dapat alisin ang mga walang kabuluhang proyektong isiningit ng mga kongresista.
Ang mga proyektong ito ay idinagdag lamang para sila ay magbenepisyo sa mga pampulitikang ambisyon at hindi talaga para sa tunay na pag-unlad ng bansa.
Panoorin natin ang mangyayari kapag tinapyasan sa Senado ang panukalang badyet. Tiyak na hahantong ito sa matinding bangayan sa pulitika.
Ang mga kasalukuyang nasa tungkulin na umaasa sa pondong kanilang isiningit para magamit sa kanilang muling pagtakbo sa halalan ay tiyak na “makikipaggiyera” sa pagbabawas sa badyet.
Ang Malakanyang naman na nakasandal na lang ang kabuuang performance sa walang tigil na pamamahagi ng ayuda para sa makukuhang suporta ng taumbayan ay siguradong papalag din sa anomang tapyas-badyet.
Makikita talaga natin dito na kapag pagdating sa pera, ang mga politikong tiwali ay lalabas ang sungay at handang makipagsuwagan.






