MANILA, Philippines – Target ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maibalik na sa Enero 2027 ang coin deposit machines nito.
Plano rin na palawakin pa ang partnership sa financial institutions para magbigay ng mas maraming opsyon sa mga user sa pagkuha ng kanilang account credits.
Kasunod ng suspensyon ng programa noong nakaraang taon kung saan nakapagpapalit ng mga barya ang mga Pinoy kapalit ng e-wallet credits, shopping voucher o bank deposit, ay ibabalik na nila ito, ayon kay BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat.
Nakatutulong ang mga machine na ito para maibalik sa sirkulasyon ang mga nakatenggang barya at mabawasan ang production costs para sa paggawa ng mga bagong barya.
Nauna nang sinabi ni Romulo-Puyat na ang mga makinang ito ay nangangailangan ng refurbishment, software upgrades at hardware modifications, maging ang ilang round ng calibration at accuracy testing.
Layon ng BSP na magkaroon ng 50 machines na maibalik sa operasyon sa Enero.
Kalahati sa mga ito ay ilalagay sa Metro Manila habang ang iba naman ay ikakalat sa buong bansa katulad ng Pampanga, Baguio at Cebu.
Plano rin ng BSP na ipakilala ang programa sa Mindanao.
Mula nang ipakilala noong Hunyo 2023, ang coin deposit program ay nakapagproseso na ng P1.308 bilyon ng coins, o mahigit 326 milyong piraso, sa pamamagitan ng halos 300,000 transaksyon hanggang noong Pebrero 15, 2025. RNT/JGC