MANILA, Philippines — Hinimok nina Senador Imee Marcos at Robin Padilla ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad itigil ang pakikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) at gawin ang lahat ng legal at diplomatikong paraan upang mapalaya at maiuwi sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Senate Resolution No. 797 na inihain nitong Nobyembre 25, 2026, nanawagan din ang dalawang senador na itigil ng pamahalaan ang mga hakbang para ipatupad ang arrest warrant ng ICC laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Iginiit nina Marcos at Padilla na umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019 at hindi na miyembro ng ICC ang bansa.
Gayunman, sa kabila umano ng mga pahayag na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, inaresto si Duterte at dinala sa The Hague, Netherlands, kung saan siya kasalukuyang nasa kustodiya ng korte.
Binanggit din ng dalawang senador ang joint declaration na inilabas nina US President Donald Trump, Russian President Vladimir Putin at Chinese President Xi Jinping noong Nobyembre 19, na nagbibigay-diin sa paggalang sa soberanya ng mga estado at immunity ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kina Marcos at Padilla, kailangang muling suriin ang patuloy na pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC, partikular sa pagkakaaresto kay Duterte at sa pagpapatupad ng arrest warrant laban kay dela Rosa.
Binigyang-diin nilang dapat manatiling naaayon sa Konstitusyon, pangunahing karapatan at soberanya ng bansa ang paghahangad ng hustisya at pananagutan.
Gayunman, hindi nangangahulugan ang pag-atras ng Pilipinas sa Rome Statute na awtomatikong nawawala ang hurisdiksyon ng ICC sa mga alegadong krimeng naganap noong miyembro pa ang bansa. RNT