MANILA, Philippines — Nagsumite ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng 63 dokumento at iba pang materyales bilang bahagi ng paghahanda sa kanyang paglilitis sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity.
Batay sa dokumentong may petsang Nobyembre 25, 2026, ibinahagi ng defense team ang mga materyales sa Office of the Prosecutor at Common Legal Representatives of Victims (CLRV).
Kabilang sa mga isiniwalat na materyales ang mga batas, executive orders, lokal na ordinansa, ulat, larawan, datos, artikulo sa media at mga dokumentong legal.
Nakapaloob dito ang 17 batas na nilagdaan ni Duterte noong kanyang administrasyon, kabilang ang Universal Health Care Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Mental Health Act, Expanded Maternity Leave Law at Malasakit Centers Act.
Kasama rin ang mga ordinansa ng Davao City hinggil sa kapakanan ng kababaihan at mga bata, kalusugan, pagbabawal sa paninigarilyo, rehabilitasyon sa droga at emergency response.
Bukod dito, nagsumite ang depensa ng mga ulat tungkol sa kampanya kontra ilegal na droga, paggamit ng nakamamatay na puwersa ng pulisya, mga umano’y extrajudicial killing (EJK) at datos hinggil sa pagkamatay sa Pilipinas.
Sa naunang pre-trial brief, iginiit ng depensa na ang mga programa ni Duterte sa libreng serbisyong pangkalusugan, edukasyon at rehabilitasyon sa droga ay sumasalungat sa alegasyon ng prosekusyon na responsable siya sa malawakan at sistematikong pag-atake laban sa populasyong sibilyan.
Gayunman, hindi tinukoy sa pinakahuling filing kung paano gagamitin sa paglilitis ang bawat batas, ordinansa at iba pang materyales.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, 2026, sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa mga pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga. Dave Medina