Home HOME BANNER STORY Duty hours ng MMDA enforcers, palalawigin ‘gang hatinggabi simula Disyembre 1

Duty hours ng MMDA enforcers, palalawigin ‘gang hatinggabi simula Disyembre 1

1
0

MANILA, Philippines — Palalawigin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hanggang hatinggabi ang duty hours ng mga traffic enforcer nito simula Disyembre 1 bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga sasakyan ngayong holiday season.

Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, mula sa dating hanggang alas-10 ng gabi, magpapatuloy na hanggang alas-12 ng hatinggabi ang deployment ng mga tauhan upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Ipatutupad din ang full deployment ng mga tauhan sa Disyembre 1, kasabay ng mahigpit na no-absent policy.

Sinabi ni Artes na layunin ng hakbang na masubaybayan at mapamahalaan nang maayos ang daloy ng mga sasakyan, partikular sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga mamimili at biyahero.

Karaniwang tumataas ang volume ng mga sasakyan sa Metro Manila tuwing Disyembre dahil sa pamimili at iba pang aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko.

Bilang bahagi rin ng traffic management measures, ipinatutupad na ng MMDA simula Nobyembre 16 ang bagong operating schedule ng mga shopping mall na alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi hanggang Disyembre 25.

Inaatasan din ang mga mall operator na ilipat sa alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling-araw ang kanilang delivery operations upang mabawasan ang pagsabay ng mga delivery truck sa dagsa ng mga sasakyan sa araw.

Samantala, pinapayagan lamang ang pagsasagawa ng mall-wide sales tuwing Sabado at Linggo.

Kabilang din sa mga hakbang ng MMDA ang pagpapatupad ng mga rerouting scheme at pagbubukas ng mga alternatibong ruta upang maibsan ang inaasahang pagsisikip ng trapiko ngayong kapaskuhan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here