Home NATIONWIDE P30,000 ayuda para sa single breadwinners, isinusulong sa Senado

P30,000 ayuda para sa single breadwinners, isinusulong sa Senado

1
0

MANILA, Philippines — Nais bigyan ng hanggang P30,000 na tulong-pinansyal kada taon ang mga kwalipikadong Pilipinong mag-isang bumubuhay sa kanilang pamilya sa ilalim ng panukalang batas na inihain ni Senador Loren Legarda.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 2616 o ang panukalang “Single Breadwinners Act,” sinabi ni Legarda na panahon nang kilalanin ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga indibidwal na naglalaan ng malaking bahagi ng kanilang kita para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga kaanak.

Saklaw ng panukala ang mga walang asawa, biyuda o biyudo, at mga napawalang-bisa ang kasal na nagsisilbing pangunahing tagapagtaguyod ng pamilya.

Kabilang dito ang mga sumusuporta sa kanilang umaasang magulang o lolo at lola, menor de edad na kapatid, mga pamangking walang magulang na nag-aalaga sa kanila, at mga kapatid na nasa hustong gulang ngunit may kapansanan.

Sa ilalim ng panukala, maaaring makatanggap ng hanggang P15,000 ang mga kwalipikadong single breadwinner para sa bawat pangangailangang dulot ng krisis, ngunit hindi lalampas sa kabuuang P30,000 kada taon.

Kailangan lamang na hindi hihigit sa P400,000 ang kanilang kabuuang taunang kita upang maging kuwalipikado sa tulong sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bibigyang-pansin din ng panukala ang mga estudyanteng breadwinner na kailangang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho upang masuportahan ang kanilang pamilya.

Sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), isinusulong ang mas flexible na iskedyul ng klase at pagbabawas ng academic load upang hindi mapilitan ang mga estudyanteng breadwinner na isakripisyo ang kanilang edukasyon.

Pasisimplehin din ang pagkuha ng Breadwinner Certification mula sa DSWD o mga lokal na tanggapan ng social welfare sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga dokumentong magpapatunay sa kanilang civil status, kita at pinansyal na responsibilidad sa mga umaasang kaanak.

Sa ilalim ng panukala, hindi na karaniwang kakailanganin ang home visits o pormal na social case study reports upang maiwasan ang dagdag na proseso sa pagkuha ng mga benepisyo.

Bukod sa tulong-pinansyal at pang-edukasyon, nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng boluntaryong mental health counseling, tulong sa paghahanap ng trabaho at skills training sa pamamagitan ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Legarda, hindi dapat maging dahilan ang responsibilidad sa pamilya upang tuluyang makalimutan ng mga breadwinner ang kanilang sariling kinabukasan at kapakanan.

Binigyang-diin niyang layunin ng panukala na matiyak na hindi na kailangang pasanin ng mga single breadwinner nang mag-isa ang mga suliraning pinansyal at personal na kaakibat ng kanilang responsibilidad sa pamilya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here