Home NATIONWIDE Mga pamilyang nasunugan sa Baclaran, tinulungan ni Bong Go

Mga pamilyang nasunugan sa Baclaran, tinulungan ni Bong Go

4
0

MANILA, Philippines — Nagpaabot ng tulong si Senador Christopher “Bong” Go sa 49 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay Baclaran, Parañaque City, nitong Martes, Nobyembre 24.

Kasama si Barangay Captain Jun Zaide, binisita ng senador ang lugar na nasunog upang makita ang pinsala at alamin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Ayon sa inilabas na pahayag ng kanyang tanggapan, namahagi si Go at ang kanyang Malasakit Team ng tulong pinansyal, pagkain, bitamina, mga lalagyan ng tubig, damit at iba pang pangunahing pangangailangan.

Nakatanggap din ng mga school bag ang ilang bata, habang naghanda ng mga karagdagang kagamitan at premyo para sa mga apektadong pamilya.

“Alam ko po kung gaano kahirap ang mawalan ng tahanan, lalo na ngayong papalapit na ang Pasko. Nandito po kami para makatulong sa abot ng aming makakaya,” ani Go.

Kasabay nito, muling iginiit ng senador ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11589 o Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Act, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga bumbero sa pamamagitan ng makabagong kagamitan, karagdagang tauhan at pagsasanay.

Binigyang-diin din niya ang Republic Act No. 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act, na nagtatakda ng pagtatayo ng mga permanenteng evacuation center sa mga lungsod at munisipalidad para sa mga residenteng apektado ng kalamidad.

Isinusulong din ni Go ang Senate Bill No. 415, na naglalayong magbigay ng tulong sa upa sa mga kwalipikadong informal settler family at biktima ng sakuna, at Senate Bill No. 173 para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.

“Dapat po ay may maayos na pansamantalang matutuluyan ang mga nasasalanta ng sunog at iba pang sakuna. Kailangan ding palakasin ang ating kakayahang tumugon sa mga emergency upang mas maraming buhay at kabuhayan ang ating mailigtas,” dagdag ng senador.

Nauna nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Baclaran noong Nobyembre 19, na umabot sa ikalawang alarma. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here