MANILA, Philippines — Mabilis na natapos ang deliberasyon sa Senado sa panukalang P84.1 bilyong badyet ng Hudikatura para sa 2027 matapos walang senador na magtanong o humiling ng interpellation nitong Biyernes, Nobyembre 27.
Si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang nagsilbing sponsor ng panukalang pondo para sa Supreme Court at mga mababang korte, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals at Presidential Electoral Tribunal.
Sa kanyang sponsorship speech, nanawagan si Pangilinan na pondohan nang buo ang Hudikatura at igalang ang fiscal autonomy nito upang mapalakas ang sistema ng hustisya sa bansa.
“Pondohan natin nang buo ang budget na ito. Igalang natin ang fiscal autonomy ng Hudikatura at bigyan natin ang sambayanan ng isang sistemang pangkatarungang nararapat sa tiwala nating lahat,” ani Pangilinan.
Binanggit din ng senador ang patuloy na pagdami ng mga kasong hindi pa nareresolba sa mga korte.
Batay sa datos noong Agosto 2026, umabot sa 98,633 ang mga kasong nakabinbin nang hindi bababa sa limang taon sa first- at second-level courts. Sa bilang na ito, 49,475 kaso ang hindi pa nareresolba sa loob ng 10 taon o higit pa.
Kabilang sa mga hakbang upang mapabilis ang pagdinig ang Revised Guidelines for Continuous Trial of Criminal Cases, na nagtatakda ng hanggang 180 araw na panahon ng paglilitis para sa mga regular na kasong kriminal, alinsunod sa mga naaangkop na tuntunin.
Sa panukalang alokasyon, P71.702 bilyon ang nakalaan sa Supreme Court at mga mababang korte, P7.414 bilyon sa Court of Appeals, P3.517 bilyon sa Sandiganbayan, P1.320 bilyon sa Court of Tax Appeals at P179.788 milyon sa Presidential Electoral Tribunal.
Ito ang unang deliberasyon sa taunang badyet ng Hudikatura sa ilalim ng bagong Chief Justice na si Rodil Zalameda, na nanungkulan nitong Nobyembre.
Dahil walang senador na nagpaabot ng pagtutol o humiling ng interpellation, iminungkahi ni Senador Risa Hontiveros na isara ang pagtatanong at ideklarang naisumite na ang panukalang badyet para sa pagsasaalang-alang ng Senado.
Inaprubahan naman ni Senate President Win Gatchalian ang mosyon matapos walang tumutol. RNT