LEYTE, Philippines — Natagpuang patay ang isang 18-anyos na babae na nakabalot umano sa mga dahon ng saging sa Sitio Camaysihay, Barangay Gacao, Palo, Leyte, nitong Huwebes ng umaga, Nobyembre 26.
Nadiskubre ang bangkay matapos makapansin ang mga residente ng hindi pangkaraniwang mabahong amoy sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Palo Municipal Police Station, naaagnas na ang bangkay nang matagpuan at may mga sugat sa dibdib na posibleng dulot ng pananaksak.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Sandra,” 18, na residente rin ng nasabing lugar.
Ayon kay Police Lieutenant Bonifacio Kabata, deputy chief ng Palo Municipal Police Station, nakilala ng pamilya ang biktima sa pamamagitan ng kanyang suot na tsinelas at tattoo sa paa.
Huling nakasama ng pamilya ang dalaga noong umaga ng Nobyembre 24, nang umalis siya ng kanilang bahay at hindi na nakabalik.
Napag-alaman ding noong Oktubre lamang nakauwi ang biktima mula sa pagtatrabaho sa Maynila.
Nakatakdang isailalim sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang mga pangyayari sa insidente, habang nananawagan ang pamilya ng hustisya at agarang pagkakakilanlan sa sinumang responsable sa pagkamatay ng biktima. Mary Anne Sapico