MANILA, Philippines — Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagkumpleto ng matagal nang hinihintay na multipurpose hall ng mga non-commissioned officer (NCO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kasabay ng pagtitiyak ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa kapakanan ng mga sundalo.
Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pakikipagpulong at boodle fight kasama ang AFP Council of Sergeants Major sa Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City, nitong Huwebes, Nobyembre 26, bilang bahagi ng ika-57 anibersaryo ng konseho.
“At instruction ko na sa lalong madaling panahon, matapos na ‘yung inyong multipurpose hall na matagal na ninyong inaantay,” ani Marcos.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng NCO Development Center upang higit pang mapahusay ang kakayahan at pagsasanay ng mga non-commissioned officer.
Ayon kay Marcos, mahalaga ang papel ng mga NCO sa pagpapatupad ng mga kautusan ng mga opisyal, pagpapanatili ng disiplina at pangangasiwa sa mga enlisted personnel ng militar.
“The officers command the AFP. But the NCOs are the backbone of the military,” pahayag ng Pangulo.
Hinimok din niya ang mga NCO na maging bukas sa kanilang mga nakatataas tungkol sa mga suliranin at pangangailangan ng kanilang mga tauhan.
“Kapag may nakikita kayo na kailangan gawin o mayroon kayong nakitang problema o mayroon kayong naririnig tungkol ng pangangailangan ng ating mga tropa, ay sabihan niyo kami lahat,” ani Marcos.
Ipinaliwanag ng Pangulo na mahalagang makarating sa pamunuan ng militar, kabilang ang Commander-in-Chief, ang aktuwal na kalagayan ng mga sundalo upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Kinilala rin niya ang tungkulin ng mga NCO sa pagpapanatili ng mga tradisyon at pagpapahalaga ng AFP, gayundin sa pagtulong sa mga kasaping humaharap sa iba’t ibang suliranin.
Tiniyak naman ni Marcos na patuloy na susuportahan ng administrasyon ang kanilang mga tungkulin at propesyonal na pagpapaunlad.
“So, keep up the good work. Congratulations on all the good work that you have done. Patuloy ninyo ‘yan at nandito kami para suportahan kayo,” pagtatapos ng Pangulo. Kris Jose