MANILA, Philippines — Muling humarap sa Department of Justice (DOJ) si Senador Robinhood Padilla nitong Biyernes, Nobyembre 27, para sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa reklamong obstruction of justice na inihain laban sa kanya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Julius Henry Balteza, nagsumite ang kanilang kampo ng rejoinder affidavit bilang tugon sa reply na inihain ng mga nagrereklamo noong Nobyembre 20.
Nauna nang naghain si Padilla ng 33-pahinang counter-affidavit noong Nobyembre 6 upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Nag-ugat ang reklamo sa umano’y pagtulong ng senador kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makaiwas sa pag-aresto at sa pagpapatupad ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ang arrest warrant laban kay dela Rosa ay may kaugnayan sa mga alegasyon ng crimes against humanity na nag-ugat sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, nanindigan ang kampo ni Padilla na walang naganap na pagtakas dahil wala umanong inilabas na arrest warrant ang lokal na korte laban kay dela Rosa.
Ayon kay Balteza, posibleng malapit nang matapos ang palitan ng mga dokumento at paliwanag ng magkabilang panig.
Gayunman, nakadepende pa rin sa DOJ panel of prosecutors kung kailan matatapos ang preliminary investigation at kung may sapat na batayan upang magsampa ng kaso sa korte.
Nananatiling alegasyon ang reklamong obstruction of justice laban kay Padilla habang wala pang pinal na resolusyon ang DOJ.