Home HOME BANNER STORY 2 patay, 7 sugatan sa pagsabog at sunog sa Tondo; 7-buwang sanggol,...

2 patay, 7 sugatan sa pagsabog at sunog sa Tondo; 7-buwang sanggol, grabe

1
0

MANILA, Philippines — Dalawa ang nasawi habang pito ang sugatan, kabilang ang isang pitong buwang gulang na sanggol na nasa kritikal na kondisyon, matapos ang pagsabog na sinundan ng sunog sa isang tatlong palapag na bahay sa Barangay 5, Tondo, Maynila, nitong Biyernes ng umaga, Nobyembre 27.

Kinumpirma ni Fire Chief Inspector Demetrio Sablan, chief of operations ng Manila Fire Department, ang pagkamatay ng dalawang residente sa insidente sa Sto. Cristo Street.

Dinala naman sa Mary Johnston Hospital ang pitong sugatan, kabilang ang ilang bata, upang mabigyan ng agarang lunas.

Ayon sa ilang residente, nakarinig sila ng malakas na pagsabog na sinundan ng hindi pangkaraniwang amoy bago sumiklab ang apoy.

Nagsimula ang sunog bandang alas-10:10 ng umaga at umabot sa unang alarma makalipas ang ilang minuto.

Nakontrol ang apoy bandang alas-10:33 ng umaga bago tuluyang idineklarang fire-out dakong alas-10:44.

Dalawa hanggang tatlong katabing bahay ang bahagyang napinsala sa insidente, na nakaapekto rin sa dalawang pamilya.

Sa isang kumalat na video, makikita ang pagsisikap ng mga residente na mailigtas ang mga batang naipit sa bahagi ng bahay na may bakal na bintana habang patuloy na lumalakas ang apoy.

Isang lalaki ang makikitang nagbubuhos ng tubig upang mabawasan ang matinding init habang nagtutulungan ang mga residente at rumespondeng bumbero sa pagsagip sa mga bata.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagsabog at ang sunog na sumunod dito.

Wala pang inilalabas na pinal na resulta ng imbestigasyon hinggil sa pinagmulan ng pagsabog.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here