Home NATIONWIDE Agarang pagpapatupad ng P1.99B refund ng Meralco, iginiit ni Diokno

Agarang pagpapatupad ng P1.99B refund ng Meralco, iginiit ni Diokno

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyaking maibabalik nang buo at nasa tamang oras sa mga consumer ang P1.99 bilyong refund na iniutos nito sa Manila Electric Company (Meralco).

Ayon kay Diokno nitong Biyernes, Nobyembre 27, malaking tulong ang refund sa mga pamilyang nahihirapang tustusan ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at pang-araw-araw na pangangailangan.

“Every peso counts, especially for families struggling to make ends meet. With the cost of basic goods and daily necessities continuing to rise, this refund will provide much-needed relief and help them stretch their hard-earned money further,” aniya.

Iniutos ng ERC sa Meralco na ibalik sa mga customer ang kabuuang P1,987,739,617.40 matapos muling suriin ang regulatory asset base ng power distributor at hindi payagan ang ilang gastusin nito para sa pensiyon at benepisyo ng mga empleyado.

Ikakalat ang refund sa loob ng tatlong buwan. Inaasahang makatatanggap ng humigit-kumulang P52 na bawas sa buwanang bill ang mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh), o kabuuang P157 sa loob ng tatlong buwan.

Binigyang-diin ni Diokno na hindi sapat na maglabas lamang ng kautusan ang ERC; kailangan ding matiyak na aktuwal na matatanggap ng mga consumer ang buong halaga nang walang pagkaantala.

Bukod dito, isinusulong ni Diokno ang mas malawak na reporma upang hindi ipasa sa mga consumer ang gastos sa kuryenteng hindi naman nila nagamit.

Ang kanyang House Bill No. 10585 ay pinagsama sa House Bill No. 11841 o Fair Electricity Pricing and System Loss Regulation Act. Layunin nitong pagbawalan ang distribution utilities (DUs) na ipasa sa mga consumer ang singil para sa system loss.

Inaprubahan ang panukala sa ikalawang pagbasa noong Nobyembre 24 at inaasahang pagbotohan sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.

Ayon kay Diokno, dapat managot ang mga distribution utility sa mga pagkalugi sa kanilang operasyon sa halip na ipasa ang gastos sa mga consumer.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Section 43(f) ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagpasa sa mga consumer ng technical at non-technical system losses sa pamamagitan ng singil sa kuryente o iba pang paraan ng paniningil.

Sa ilalim nito, sasagutin ng mga distribution utility ang system losses bilang bahagi ng karaniwang gastos at panganib sa kanilang serbisyo. Maaari naman silang maningil o magsagawa ng legal na hakbang laban sa mga responsable sa pagnanakaw ng kuryente, meter tampering, pandaraya, paninira at iba pang ilegal na gawain.

Inaatasan din ng panukala ang Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA) at ERC na tulungan ang mga electric cooperative sa pamamagitan ng modernization programs, technical assistance, pagpapahusay ng imprastraktura at pag-access sa pondo, lalo na sa mga liblib at nangangailangang lugar.

Inihain ni Diokno ang panukala kasama sina Akbayan Party-list Reps. Perci Cendaña at Dadah Ismula, at Dinagat Islands lone district Rep. Kaka Bag-ao. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here