Home NATIONWIDE GSIS, itinaas ng ‘gang ₱15,000 pamaskong cash gift para sa mga pensiyonado 

GSIS, itinaas ng ‘gang ₱15,000 pamaskong cash gift para sa mga pensiyonado 

1
0

MANILA, Philippines – Itinaas ng Government Service Insurance System (GSIS) ang halaga ng pamaskong cash gift para sa mga pensiyonado mula ₱10,000 hanggang ₱15,000. Inaasahang matatanggap ito sa Disyembre 1.

Inanunsyo ni GSIS President at General Manager Wick Veloso ang dagdag na pamaskong cash gift sa isang video message na inilathala sa opisyal na Facebook page ng ahensya

Kasabay nito, inihayag din ang mas maagang pagpapalabas ng pensiyon para sa Disyembre at ang pagpapalawak ng access ng mga miyembro sa iba’t ibang programa ng pautang.

“Bilang pasasalamat sa inyong tapat na paglilingkod sa bayan, itinaas natin ang maximum Christmas Cash Gift mula P10,000 tungo sa P15,000,” ayon kay Veloso.

Ayon sa kanya, ilalagak sa mga account ng mga kwalipikadong pensiyonado ang nasabing cash gift sa Disyembre 1 upang makatulong sa kanilang gastusin ngayong nalalapit na Kapaskuhan.

Iaanunsyo rin ng GSIS ang mas maagang pagpapalabas ng regular na buwanang pensiyon.

Mula sa dating iskedyul na Disyembre 8, gagawin na itong Disyembre 4 upang matulungan ang mga retirado sa paghahanda para sa kanilang mga gastusin sa panahon ng kapaskuhan.

Samantala, inanunsyo ni Veloso na maaari nang mag-avail ang mga pensiyonado ng GSIS Solar Energy Loan (GSEL) at GSIS E-Mobility Loan (GEML). Layunin ng mga programang ito na matulungan ang mga benepisyaryo na mabawasan ang gastusin sa kuryente sa bahay at transportasyon.

Ayon pa sa kanya, ang pagpapalawak ng access sa mga programang pautang na ito ay bilang pagsuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino.

“Tatlong magandang balita ang hatid ng inyong GSIS ngayong Pasko,” ani Veloso.

Sa ngalan ni GSIS Chairperson Rick Blancaflor at ng Board of Trustees, nagpahayag ng pag-asa si Veloso na ang mga karagdagang benepisyong ito ay makatutulong upang mas maging maginhawa ang buhay ng mga pensiyonado sa kanilang pagreretiro at mas masaya ang kanilang pagdiriwang ng Kapaskuhan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here