ZAMBOANGA CITY, Philippines – Humingi ng agarang tulong ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Department of Health (DOH) matapos mamatay ang 25 persons deprived of liberty (PDLs) sa San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga City mula Nobyembre 1 hanggang 25.
Batay sa paunang imbestigasyon, 18 sa mga nasawi ang nakitaan ng magkakatulad na sintomas, kabilang ang hirap sa paghinga at edema o pamamaga dahil sa naiipong likido sa katawan.
Natukoy din sa ulat ang 170 aktibong kaso ng PDLs na nakararanas ng pananakit ng nerbiyos, edema at mga sintomas na posibleng kaugnay ng heart failure.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., kailangan ng agarang pagsusuring medikal at nutrisyon upang malaman kung may kakulangan sa thiamine o vitamin B1 na maaaring magdulot ng sakit na beriberi.
“These findings require an urgent clinical and nutritional investigation to determine whether thiamine deficiency is present and to assess the extent of a possible beriberi-related health crisis within the facility,” ani Catapang.
“I am appealing to the Department of Health in Zamboanga, which visited our facility on Nov. 24 together with our team for the urgently needed medicines and supplements to help our PDLs,” dagdag niya.
Iniutos din ni Catapang ang pagsusuri sa pagkain at rasyong ibinibigay sa mga bilanggo.
Bago ang mga naitalang pagkamatay ngayong Nobyembre, walo ring PDL ang iniulat na namatay sa pasilidad noong Setyembre at 10 naman noong Oktubre.
Patuloy na nagsasagawa ng medical at nutritional assessment ang medical team ng BuCor sa iba pang kampo ng SRPPF.
Sinimulan na rin ang pagbibigay ng thiamine supplements sa mga PDL na may sintomas kahit wala pang resulta ng laboratory test, dahil maaaring mabilis na bumuti ang mga komplikasyon sa puso na dulot ng kakulangan sa bitamina matapos ang paggamot.
“We will continue monitoring the condition of the affected PDLs while reviewing the facility’s food allocation, nutritional content, and medical response procedures,” ani Catapang.
“The investigation will help determine whether deficiencies in the current diet contributed to the reported illnesses and deaths,” dagdag niya. RNT/MDS