MANILA, Philippines – Lubos na ikinalulungkot ni Senador Bam Aquino na mawawalan ng subsidiya at scholarship ang mahigit 247, 000 sa buong bansa dahil kinupit ng Kamara ang mahigit P5.5 bilyong pondo sa 2027 budget ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa pahayag, sinabi ni Aquino, chairman ng Senate committee on education, kasalukuyang nagtutulungan ang ilang mambabatas ang makahanap ng karagdagang P5.5 bilyon pondo upang matugunan ang kakulangan sa Tertiary Education Subsidy (TES) at Presidential Merit Scholarship Program, kasunod ng pagbawas sa budget ng na maaaring makaapekto sa mahigit 247,000 estudyante.
Sa pagtalakay ng Senado sa national budget, nagpahayag ng pagkabahala si Aquino sa ginawang pagbawas sa pondo ng CHED, partikular sa mga nakalaan para sa scholarships at subsidiya sa ilalim ng Republic Act No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na isinulong niya bilang principal sponsor.
Ayon kay Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education, mahalagang matiyak na magpapatuloy ang tulong pinansyal ng mga estudyanteng nakikinabang sa mga programa ng gobyerno ngayong taon at sa mga susunod pang mga taon upang maiwasan ang paghinto nila sa pag-aaral dahil sa kakulangan sa pera.
“Kung meron akong subsidiya ngayon, wala next year, baka mag-drop out ako,” sabi ni Aquino kay Sen. Joel Villanueva, na siyang sponsor ng CHED budget.
Paliwanag niya, bagama’t libre ang matrikula sa state universities and colleges (SUCs), kailangan pa rin ng mga estudyante ng karagdagang tulong-pinansyal para sa pamasahe, pagkain, at iba pang gastusin sa pag-aaral.
“Alam natin na libre ang kolehiyo, libre ang tuition at milyon-milyon po yung nakikinabang po dito. Pero iyong dagdag na subsidiya, mahalaga dahil may mga dagdag pong gastusin,” wika niya.
Aniya, maaaring malagay sa alanganin dahil sa mga pagbawas sa budget ng CHED ang 66-porsiyentong tertiary education completion rate ng bansa, na pinakamataas sa ASEAN.
Upang matugunan ang kakulangan sa pondo, ibinahagi ni Aquino na nakikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa mga opisina nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senators Villanueva at Ping Lacson upang tukuyin ang mga posibleng pagkukunan ng pondo na pupuno sa mga binawas sa budget at magtitiyak na magpapatuloy ang tulong sa TES beneficiaries at Presidential Merit Scholarship Program.
“We will find the funds to make up what was slashed. Maghahanap po tayo ng pondo para masigurado na walang kabataan titigilan ng kanilang subsidiya,” wika niya.
Nangako rin siyang makikipagtulungan sa kanyang mga kapwa senador upang matiyak ang kinakailangang pondo sa panahon ng pagtalakay sa mga amyenda sa panukalang budget sa Senado.
“Marami po sa mga kasama natin, sasama po sa atin at susuportahan iyong paglagay ng pondo sa mga subsidiya at mga scholarship para masigurado na walang magda-drop out na kabataan sa ating bansa,” sabi pa ni Aquino. Ernie Reyes