MANILA, Philippines – Agad na umaksyon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno Domagoso upang tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Sto. Cristo Street, Barangay 5, Tondo, Manila.
Sa pamamagitan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), kaagad na ipinagkaloob ang tulong pinansyal, hygiene kits at iba pang materyal na pangangailangan sa pamilya ng mga nasawi at mga residenteng nasugatan sa insidente.
Personal namang nakipag-ugnayan si MDSW Director Jay R. Dela Fuente sa Sumilang Funeral Homes upang asikasuhin ang pangangailangan ng mga naulilang pamilya.
Mabilis din siyang nakipag-ugnayan kay Manila North Cemetery Director Dandan Tan para matiyak ang iba pang kinakailangang tulong kaugnay ng paglilibing sa mga nasawi.
Hindi rin pinabayaan ang mga sugatang residente nang personal na binisita ng MDSW ang Mary Johnston Hospital upang alamin ang kanilang kalagayan at tiyaking natutugunan ang kanilang pangangailangan.
Sa gitna ng trahedya, tiniyak ng administrasyong Domagoso na hindi nag-iisa ang mga pamilyang sinalanta ng sunog at patuloy silang makatatanggap ng tulong at suporta mula sa pamahalaang lungsod.
Muling pinatunayan ng Maynila na hindi lamang sa panahon ng kasiyahan kundi lalo na sa oras ng sakuna ay maaasahan ang pamahalaang lungsod. JAY Reyes







