Home METRO Kumpanya ng bus, pinatawag kaugnay sa tangkang “road bullying” sa Quezon City

Kumpanya ng bus, pinatawag kaugnay sa tangkang “road bullying” sa Quezon City

2
0

MANILA, Philippines – Pinagsusumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng paliwanag ang Pascual Liner Inc. kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang prangkisa nito matapos mahuling nag-counterflow ang isa sa mga bus nito sa isang abalang kalsada sa Quezon City.

Alinsunod ito sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na panatilihing ligtas ang mga kalsada, sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., naglabas sila ng Show Cause Order (SCO) batay sa video na ibinahagi ng isang motorista.

Makikita sa video ang isang pampasaherong bus na gumamit ng kabilang linya upang makalusot sa trapiko, kahit may mga sasakyang paparating mula sa kabilang direksyon.

Napilitang magbigay-daan ang isa sa mga sasakyan, habang nanatili naman sa sariling linya ang isa pa upang mapilitang bumalik sa tamang linya ang bus.

“Ang pagsisikip ng trapiko ay hindi dapat maging dahilan upang labagin ang mga batas at regulasyon sa trapiko sa pamamagitan ng pang-aapi o bullying sa ibang mga motorista at gumagamit ng kalsada,” pahayag ni Pua.

“Hindi dahil malaki ang sasakyan, gaya ng bus o trak, ay maaari na tayong maghari-harian sa kalsada. Hindi papayagan ng LTFRB ang ganitong uri ng pambu-bully sa kalsada,” mariin niyang sinabi.

Sa SCO na nilagdaan ni Atty. Frederick L. Valero, pinuno ng Legal Division ng LTFRB, inatasan ang kumpanya na magsumite ng nakasulat na paliwanag kaugnay ng insidente.

Ang bus na sangkot ay bumibiyahe sa rutang Fairview-North EDSA at may plakang NAF 5438.

Ayon kay Pua, malinaw na paglabag sa mga tuntunin at regulasyon ang ginawa ng drayber at naglagay ito sa panganib sa buhay ng iba pang motorista at gumagamit ng kalsada dahil maaari itong magdulot ng aksidente.

Inatasan din ang Pascual Liner na ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa dahil sa pagkuha ng isang pabayang drayber.

Nilinaw ng LTFRB na bahagi ng proseso ng due process ang pagpapalabas ng Show Cause Order. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here