VALENZUELA CITY, Philippines – Arestado ang dalawang hinihinalang drug personality, kabilang ang isang babae, matapos makumpiskahan ng mahigit P349,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Valenzuela City.
Kinilala ng Northern Police District ang mga suspek sa alyas na “Inday,” 29, at “Dodong,” 35, na kapwa residente ng Barangay Mapulang Lupa.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng NPD District Drug Enforcement Unit hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng dalawa kaya nagsagawa sila ng operasyon sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Dakong alas-9:13 ng gabi nang isagawa ang pag-aresto sa Barangay Mapulang Lupa matapos magbigay ng hudyat ang poseur buyer na nagtagumpay ang transaksiyon.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 51.43 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P349,724 batay sa standard drug price, gayundin ang buy-bust money.
Nahaharap ang dalawa sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Isasampa ang mga kaso sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Rene Manahan