BOHOL, Philippines – Hinimok ng mga obispo ng Simbahang Katolika sa Bohol ang mga botante na huwag ibatay sa apelyido ang pagpili ng mga lider at bigyan ng patas na pagkakataon ang lahat ng kwalipikadong mamamayan na makapaglingkod sa pamahalaan.
Sa kanilang joint pastoral letter nitong Linggo, Nobyembre 29, sinabi nina Tagbilaran Bishop Crispin Varquez at Talibon Bishop Patrick Daniel Parcon na dapat ituring na sagradong tiwala ang paghawak sa posisyon sa gobyerno at gamitin ito para sa kapakanan ng lahat, lalo na ng mahihirap at mga nasa laylayan ng lipunan.
Inilabas ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng National Youth Day at sa gitna ng pambansang talakayan tungkol sa inisyatibang “Dapat ISA Lang,” na tumatalakay sa usapin ng political dynasties.
Nilinaw ng mga obispo na hindi nakatuon sa sinumang indibidwal o pamilyang politikal ang kanilang liham. Hindi rin umano ito pag-eendorso o pagtutol sa sinumang kandidato o partido.
Kinilala rin nila na may mga lingkod-bayan mula sa mga pamilyang politikal na tapat at buong-pusong naglilingkod sa kanilang mga komunidad. Gayunman, mas mahalagang matiyak na bukas sa lahat ng kwalipikadong mamamayan ang sistemang politikal ng bansa.
“Democracy requires more than elections. It also requires transparency, accountability, fair opportunity, and the peaceful transfer of leadership,” ayon sa mga obispo.
Binigyang-diin din nila ang pangangailangang mabigyan ng puwang ang mga bagong boses, ideya at lider, habang hinihikayat ang mga botante na suriin ang kanilang motibo sa pagpili ng mga opisyal at alamin kung nakabatay ba ito sa apelyido o sa tamang impormasyon.
Hinimok din nila ang publiko na panagutin ang mga opisyal anuman ang kanilang partidong kinabibilangan at kondenahin ang maling gawain kahit pa ginawa ito ng kandidatong kanilang sinuportahan.
“Political renewal requires not only institutional reform but also conversion of heart,” ayon sa liham.
Nagbabala rin ang mga obispo laban sa pagkakahati-hati dahil sa politika na maaaring makasira sa ugnayan ng mga pamilya, magkakaibigan at komunidad.
Hinimok nila ang kabataan at mga Katoliko na pag-aralan ang mga prinsipyo ng demokrasya at panlipunang aral ng Simbahan, labanan ang maling impormasyon at iwasan ang poot, pananakot, vote-buying at vote-selling.
Ayon sa mga obispo, walang pinapanigang partido ang Simbahan at layunin lamang nitong itaguyod ang katotohanan, katarungan, dignidad ng tao at kabutihang panlahat.
“Does it serve the common good?” tanong nila sa mga botante, at hinimok na gawin itong pangunahing batayan sa pagsusuri ng mga pasyang politikal.
Sa Bohol, nananatiling malaki ang impluwensiya ng mga political dynasty sa lokal na politika, kung saan may mga miyembro ng ilang pamilya na sabay-sabay na humahawak o naghahangad ng mga posisyon sa lalawigan, Kongreso at mga munisipalidad. RNT/MDS