Home METRO P24.35M ismagel yosi, nasamsam sa Negros

P24.35M ismagel yosi, nasamsam sa Negros

1
0

NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang 429 master cases ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P24.35 milyon sa pagsalakay sa isang bodega sa Barangay Santa Rosa noong Biyernes ng umaga, Nobyembre 27.

Ayon sa Police Regional Office Negros Island Region (PRO NIR), isinagawa ang operasyon sa Purok Ipil-Ipil matapos makatanggap ng intelligence report na may nakaimbak na ilegal na produktong tabako sa lugar.

Walang caretaker o may-ari sa bodega at sa paligid nito nang magsagawa ng inspeksiyon ang mga awtoridad. Gayunman, may natukoy na silang person of interest na isasailalim sa karagdagang imbestigasyon.

Narekober ang 310 master cases ng JHAZZ American Blend, 31 kahon ng JHAZZ Menthol, 77 master cases ng Kentucky Select at 11 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo mula sa bodega at isang Toyota Avanza na nasa lugar.

Batay sa pagtaya ng Bureau of Customs (BOC) na P57,300 bawat master case, umabot sa P24.35 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo.

Sa paunang inspeksiyon, lumabas na walang kaukulang permit ang mga sigarilyo at wala ring mandatoryong graphic health warnings sa mga pakete.

Posibleng paglabag ito sa mga batas na nagreregula sa tabako at pagbubuwis, kabilang ang Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law, Republic Act No. 8424 o National Internal Revenue Code, at Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.

Ayon sa PRO NIR, isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang produkto sa harap ng mga kinakailangang saksi at idokumento gamit ang body-worn alternative recording devices alinsunod sa mga alituntunin ng Korte Suprema.

Nakatago muna ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Murcia Municipal Police Station habang hinihintay ang turnover sa Customs Intelligence and Investigation Service ng BOC. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here