RIYADH, Saudi Arabia – Hinarang ng air defense ng Saudi Arabia ang ilang projectile na pinaputok patungo sa kaharian nitong Sabado, kabilang ang cruise missile na pinuntirya ang Riyadh, habang inaangkin ng grupong Houthi ang mga pag-atake sa paliparan at mga pasilidad ng enerhiya sa bansa.
Ayon sa Saudi-led coalition, naharang din ang iba pang pag-atake sa katimugang bahagi ng Saudi Arabia.
Nagmula ang mga pag-atake sa Iran-aligned Houthis, na nag-angking pinuntirya ang King Khalid International Airport sa Riyadh at ilang pasilidad ng enerhiya.
Nitong Sabado ng gabi, sinabi ng coalition na nagsagawa ang kanilang joint forces ng operasyong militar upang wasakin ang mga pasilidad na itinuturing nilang mahalaga sa operasyon ng Houthis, kabilang ang mga ginagamit sa missile at drone attacks. Hindi naman tinukoy ang mga target o lugar kung saan isinagawa ang operasyon.
Samantala, sinabi ng Houthis na inatake nila sa nakalipas na 48 oras ang Jazan refinery ng Saudi Aramco, na may kapasidad na 400,000 barrels kada araw, at dalawang power station sa timog-kanlurang bahagi ng Saudi Arabia. Hindi nila tinukoy ang eksaktong petsa ng mga pag-atake.
Matatagpuan ang refinery sa baybayin ng Red Sea malapit sa hangganan ng Yemen. Tinamaan ito ng projectile nitong Huwebes na ikinasawi ng isang manggagawang Nepalese, ikinasugat ng ilang iba pa at pansamantalang nakaapekto sa ilang operasyon nito, ayon sa mga awtoridad ng Saudi Arabia.
Iniulat din ng coalition na naharang at nawasak ang isang ballistic missile na pinaputok patungo sa Al-Shuqaiq, isang baybaying bayan sa lalawigan ng Jazan na may mahahalagang pasilidad para sa desalination at power generation na nagsusuplay ng tubig at kuryente sa katimugang bahagi ng bansa.
Wala umanong sibilyang nasaktan dahil sa mga debris mula sa missile interception.
Naglabas din ng mga security alert ang mga awtoridad sa Jazan at iba pang bahagi ng Saudi Arabia, kabilang ang Eastern Province. Inangkin din ng Houthis na pinuntirya nila ang Hawiyah gas plant sa nasabing lalawigan.
Nagsimula ang digmaan sa Yemen noong 2014 nang agawin ng Houthis ang kabisera nitong Sanaa at iba pang bahagi ng bansa. Noong 2015, pinangunahan ng Saudi Arabia ang koalisyong militar upang suportahan ang kinikilalang pamahalaan ng Yemen.
Humupa ang labanan sa hangganan matapos ang tigil-putukan noong 2022, ngunit muling sumiklab ang mga pag-atake noong Hulyo ngayong taon. RNT/MDS