CALOOCAN CITY, Philippines – Pansamantalang isasara ang ilang kalsada malapit sa Monumento Circle sa Caloocan City kaugnay ng paggunita sa ika-163 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio sa Lunes, Nobyembre 30.
Ayon sa traffic advisory ng lokal na pamahalaan, magsisimula ang pagsasara alas-10 ng gabi sa Linggo, Nobyembre 29, hanggang alas-12 ng tanghali sa Lunes.
Kabilang sa mga kalsadang isasara ang:
–Samson Road, mula Bonifacio Monument Circle hanggang kanto ng Lapu-Lapu Street;
–EDSA southbound, mula Bonifacio Monument Circle hanggang kanto ng B. Serrano;
–Monumento Circle; at
–magkabilang panig ng Rizal Avenue Extension hanggang 10th Avenue.
Nagbabala ang lokal na pamahalaan sa posibleng mabigat na daloy ng trapiko sa mga nabanggit na lugar kaya pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta.
Samantala, nauna nang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng expanded number coding scheme sa Nobyembre 30. RNT/MDS