MANILA, Philippines – Nag-deploy ng aircraft ang Philippine Coast Guard (PCG) nitong Nobyembre 28, 2026 upang hamunin ang Chinese research vessel na TAN SUO ER HAO na umano’y nagsasagawa ng survey nang walang pahintulot sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ), malapit sa Burgos, Ilocos Norte.
Sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Rommel Supangan, natunton ng PCG aircraft ang barko may 49 nautical miles hilagang-kanluran ng Burgos at ilang beses itong tinawag sa radyo. Gayunman, hindi umano sumagot ang barko sa mga radio challenge.
Pumasok ang TAN SUO ER HAO sa Philippine EEZ noong Nobyembre 26 matapos umalis sa Sanya, Hainan, China. Mula noon, mabagal itong gumagalaw pabalik-balik sa kanlurang bahagi ng Ilocos Norte, na ayon sa PCG ay pattern na naaayon sa survey operations at hindi sa karaniwang paglalayag.
Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala itong natanggap na aplikasyon para sa marine scientific research (MSR) ng naturang barko.
Ang TAN SUO ER HAO ay isang deep-sea research vessel ng Chinese Academy of Sciences na nagsisilbing mothership para sa mga manned at unmanned submersible.
Hindi ito ang unang pagkakataong namataan ang barko sa karagatan ng Pilipinas. Namonitor din ito sa Ilocos Norte noong Mayo 2025, sa Cagayan noong Disyembre 2025, at malapit sa Philippine Rise at Batanes noong Abril 2026.
Ayon sa PCG, nakababahala ang mga deep-sea survey dahil maaari nitong imapa ang seabed kung saan nakalatag ang mahahalagang imprastraktura at mga kable sa ilalim ng dagat. Maaari umano itong magkaroon ng epekto hindi lamang sa seguridad ng Pilipinas kundi maging sa international community.
Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Philippine Maritime Zones Act, kailangan ang pahintulot ng pamahalaan ng Pilipinas bago magsagawa ng marine scientific research sa loob ng EEZ ng bansa.
Dahil dito, iginiit ng PCG na ilegal ang anumang survey na isinasagawa ng TAN SUO ER HAO nang walang kaukulang pahintulot.
Nag-deploy na rin ang PCG ng barko upang direktang hamunin ang Chinese research vessel at pigilan ang umano’y ilegal na aktibidad nito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi isusuko ang anumang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa dayuhang kapangyarihan. Jocelyn Tabangcura-Domenden