MANILA, Philippines – Nakiusap sa publiko si House prosecution panel spokesperson Zia Adiong na pagbigyan na lamang si Manila Rep. Benny Abante matapos itong mahuling natutulog ng dalawang beses sa session hall habang isinasagawa ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang diin ni Adiong na normal lamang sa isang nagkaka-edad na maging antukin ngunit hindi naman nangangahulugan na pabaya ito sa kaniyang tungkulin.
“Congressman Abante is a very passionate and committed public servant, especially to the cause which he believes in. Lahat naman tayo may lolo. Lahat po tayo may kilalang senior citizen At alam po natin, even if the body is frail, the spirit is there to continue serving the public. Nagkataon lang po [na] si Manong Benny, because of his age, talagang ganun [na makakatulog],” ani Adiong.
Paliwanag pa ni Adiong na wala umanong intensyon si Abante na insultuhin ang korte dahil ang importante aniya ay dumadalo ito sa impeachment trial.
“He did not do that on purpose to insult the court. It’s just the usual at a certain age na ganun talaga ang nangyayari [na madaling makatulog]. Lahat po naman tayo, alam naman po natin. Let’s not be harsh about Manong Benny. Let’s be more humane about our comments on senior citizen. What is important is, pumupunta siya, nakikinig siya, pinapakita po niya ang kanyang dedikasyon sa pagpapanagot sa mga tiwali sa gobyerno,” dagdag pa ni Adiong. Meliza Maluntag