
NAGKAROON ng malaking problema sa Makati Subway Project dahil sa pagpapasara ng pasilidad sa EMBO barangays nitong si Makati City Mayor Abby Binay kaya naman ang mga kompanyang sangkot sa paggawa ng nasabing “means of transportation” ay naghahabol.
Isa sa mga nagsampa ng kaso laban sa alkalde ng lungsod ng Makati ang Philippine InfraDev Holdings Inc., ang contractor ng pumalpak na $3.5 bilyong Makati Subway Project at nakasampa ang kaso sa Singapore International Arbitration.
Hiniling ng contractor ng subway na maibalik ng Makati City ang nagastos nitong P44 bilyon sa nahintong proyekto sanhi ng hindi pagsunod ng pamunuan ni Binay sa desisyon ng Supreme Court na mailipat ang 10 enlisted men’s barrios o EMBOs sa Taguig City.
Sinabi ng InfraDev na nalugi sila ng P44 bilyon sa proyekto – P39 bilyon sa pagbili ng 8,413 ektaryang lupain mula sa Makati City na ngayon ay nasa hurisdiksyon na ng Taguig City at P5 bilyon sa development cost tulad ng architectural design at master planning ng subway.
Hindi lang ang InfraDev ang nagsampa ng kaso laban sa nasabing alkalde na tumatakbong senador ng Bagong Alyansa kundi maging sina Emilyn Borromeo Cacho, ng South Cembo at Johanna Gallardo Junio, ng East Rembo.
Kasong kriminal at administratibo ang inihain nina Cacho at Junio sa Office of the Ombudsman dahil sa pagpapasara ni Binay ng mga pasilidad ng 10 EMBO barangay.
Hindi nila nagamit ang mga pasilidad ng kani-kanilang barangay tulad ng health centers, multi-purpose facilities, clinics, sports and recreation at mga katulad nito dahil sa pagharang ni Binay.
Sabi ni Cacho, hindi siya nakakuha ng kanyang maintenance medication sa health center habang si Junio naman na isang cancer survivor ay hindi nakagamit ng pasilidad ng kanilang barangay.
Kaya naman hiling ng mga nagreklamo na sana’y dinggin ang kanilang reklamo at patawan ng karampatang parusa si Binay.
Anong say ninyo, mga brad?