
MALIBAN sa ilang kritisismo, katulad ng mga pagpuna nitong ating kaibigan na si Atty. Glenn Chong, marami ang pumupuri ngayon sa Commission on Elections dahil sa “mas mabilis” na aksyon sa mga reklamo ng pang-aabuso at pandaraya ng mga kandidato ngayong halalan.
Sa talaan, “tsugi” na sa listahan ang ‘PBBM Partylist’ at si Pasig congressional district candidate, Christian ‘Ian’ Sia; “namumuro” naman sa ‘disqualification’ sina Laguna Governor Ramil Hernandez at asawang si Congw. Ruth Hernandez sa isyu ng ‘vote buying’ matapos maisyuhan ng ‘SCO’ (show cause order) nitong Mayo 5.
Sa kabila nito, sadyang may mga kandidatong walang takot at ‘small time’ ang tingin sa Comelec at lahat ay gagawin para lang manalo.
Sa Bustos, Bulacan, halimbawa, sinasabing “tapos” na ang eleksyon dahil sa gagawing maniobra ng ‘Bustos Big Four’ upang matiyak ang panalo ng kanilang manok sa munisipyo na “manok” din ni Bulacan Governor Daniel Fernando.
Dangan kasi, bukod sa naisulat nating suhol na P2,000 bawat botante ng Bustos, aba’y “mamarkahan” na umano ng ‘indelible ink’ ang mga botante sa ‘second wave’ ng suhulan na itinakda ng grupo ngayong Sabado at araw ng Linggo.
Bulong ng mga miron, gagawin ang mistulang ‘early voting’ sa Bustos sa ilang bahay sa Bgy. San Pedro.
Abah, sariling ‘indelible ink,’ mayroon ang Bustos Big Four? Saan kaya nanggaling yan, COMELEC Chairman George Erwin Garcia?
Mainam para sa Comelec na agad utusan ang Philippine National Police na aksyunan ang ganitong mga ulat– kumpiskahin ang mga kumalat na ‘indelible ink’ at alamin kung paano ito napunta sa kamay ng mga mandaraya sakaling mapatunayan na “orig” ito at hindi peke.
Sa ganang atin, kung mabilis ang aksyon ng tanggapan ni Garcia sa mga kandidatong abusado, hind ba dapat na mas mabilis ang kanilang aksyon sa mga “bataan” at ‘operators’ ng mga kandidatong ito?
Sila kasi ang nasa ‘frontline’ ng pambabastos sa integridad ng ating halalan.
Abangan!