MANILA, Philippines – Inihayag ni Atty. Levito Baligod na nakatanggap siya ng warrant of arrest kaugnay ng dalawang bilang ng cyberlibel.
Ayon kay Baligod, hindi siya nabigyan ng pagkakataong magsumite ng counter-affidavit dahil umano sa maling address na inilagay ng nagreklamo sa kaso.
Sinabi niyang ang ibang naghain ng libel cases laban sa kanya ay may tamang address, ngunit sa kasong ito ay mali umano ang ibinigay upang hindi siya makasagot sa reklamo.
Batay sa dokumentong inilabas ng Regional Trial Court Branch 148 sa Makati, itinakda ang piyansa sa ₱20,000 bawat bilang ng cyberlibel.
Si Baligod ang abogado ng mga lalaking nagpakilalang dating bodyguards ng puganteng dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nagsabing naghatid sila noon ng mga maleta ng pera sa ilang mambabatas bilang umano’y kickback mula sa mga proyekto sa flood control. RNT/MDS