Kalat na sa paligid ng Divisoria Market ang mga panindang uniporme at iba pang mga kagamitan sa paaralan para sa muling pagbabalik-eskwela ng mga estudyante. Umaaray pa rin ang ilang consumer sa taas ng presyo ng gamit pang-eskwela. Ito'y kahit mas mababa sa price guide ng DTI ang presyo ng ilang school supplies sa Divisoria sa Maynila. Jojo Rabulan
MANILA, Philippines- Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Trade and Industry (DTI) na tiyakin na “resonable at affordable” ang presyo ng school supplies.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire sa press briefing sa Malakanyang, ang DTI sa naging direktiba ni Pangulong Marcos, ay ipinalabas ang komprehensibong gabay para magawa ng consumers na malaman ang presyo ng school items na kailangan ng mga ito para sa nalalapit na academic year.
“Iniutos ng Pangulo sa DTI na siguraduhin na naaayon ang mga school supplies sa tamang presyo,” ayon kay Castro.
“Mabilis na aksiyon ang nais ng Pangulo para mabantayan at mapanatiling abot-kaya ang mga gamit pang-eskuwela para sa pamilyang Pilipino,” dagdag niya.
Tinukoy ang price guide ng DTI, sinabi ni Castro na ang presyo ng 29 school items ay bumaba kumpara sa nakalipas na taon.
Kaya ang payo ni Castro sa publiko ay i-check ang price list ng school supplies.
“Nandiyan din po ang presyo ng pinakamurang school supplies per category. So, konsultahin na lang po natin ang listahan na iyan at makikita po sa website ng DTI para makapili ng maayos at murang gamit ang inyong mga anak,” ayon kay Castro.
Sakop ng 2025 price guide ang 195 stock keeping units (SKUs) sa 12 product categories, kabilang ang iba’t ibang klase ng notebooks, pad paper, pencils, ballpens, crayons, at iba pang writing essentials.
Makatutulong sa mga magulang at estudyante ang pagpapalawak para makahanap ng produkto na akma sa kanilang pangangailangan at budget.
Ang presyo ng 101 SKUs o 52% ng 195 listed items gaya ng ballpens, erasers, at sharpeners ay nananatiling pareho mula sa nakalipas na taon.
Base sa price guide, ang notebooks ay may presyo na P15 hanggang P52, habang ang pad paper ay nagkakahalaga mula P15 hanggang P48.75.
Ang mga lapis ay mabibili mula P11 hanggang P24, habang ang pens ay available mula P3 hanggang P33.
Ang Crayons, sa iba’t ibang sukat ng kahon ay maaaring mabili sa halagang P12 hanggang P114, habang ang erasers sa iba’t ibang sukat ay nananatili sa presyo sa pagtan ng P4.50 at P20.
Ang sharpeners o pantasa ay mula P15 hanggang P69, at rulers sa halagang P16 hanggang P39.
Ipinakilala naman sa guide ang 48 bagong SKUs o 25% ng kabuuang listahan, binibigyan ang mga mamimili ng mas maraming opsyon at ipinakilala ang mas bagong ‘brands at variants.’ Kris Jose