MANILA, Philippines- Nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa local government units (LGUs) upang ipatupad ang layunin nitong “five-minute emergency response” policy.
Ayon kay bagong PNP chief Nicolas Torre III, ipinatutupad ng Quezon City police ang quick response policy para sa mga krimen at emerhensiya sa lungsod mula pa noong 2022.
Nais niyang palawigin ang programa sa ibang mga lugar sa bansa.
“Nagawa na natin yan sa Quezon City police noong ako ay assistant director noong 2022. Ngayon ip-propagate ko na lang sa Metro Manila,” pahayag ni Torre sa isang panayam nitong Huwebes.
“We’ll start with deploying more people and remove them from police boxes and police precincts,” dagdag niya.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Torre na ide-deactivate na ang police boxes at police community precincts (PCP) dahil inaasahang matatanggap ng mga pulis ang mga paghingi ng tulong sa pamamagitan ng 911 calls.
“Ang LGU ay ating katuwang sa pag-implement ng mga programs na ito… Malaking tulong at major partner natin ang LGU,” ani Torre.
“Obviously, hindi yan applicable sa far-flung ares kasi paano natin magagawa na three minutes kung nasa taas ng bundok ang respondent or nasa areas na talaga namang medyo liblib.”
“Hindi natin pwede ipangako ang hindi natin kayang gawin. At the end of the day, reasonable ang time ng responde in other places in the country. But we will make it as it is in Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Cagayan de Oro,” patuloy ng opisyal. RNT/SA