MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Tourism (DOT) na makakatulong ang mga abot-kayang tour packages upang mahikayat ang publiko na bumiyahe at mapalakas ang ekonomiya kahit tumataas ang presyo ng langis at mga bilihin.
Ayon kay DOT Undersecretary Shahlimar Hofer Tamano, mahalaga ang lokal na paglalakbay dahil naipapakita nito ang mga tourist destination at napapalakas ang ugnayan ng tourism stakeholders.
“At a time when Filipinos are more mindful of travel costs, initiatives like the regional travel fair help in tourism enterprises to generate jobs, and encourage Filipinos to appreciate the beauty of our destinations,” ani Tamano sa pagbubukas ng “Business to Consumer” session ng travel fair.
“This reminds us that tourism is also about people, shared experiences and collective effort to build the economy and give information for future generation to learn about the people, culture and the beauty of the country,” dagdag niya.
Ang tatlong araw na travel fair ay regular na programa ng Tourism Promotions Board upang palakasin ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng promosyon ng turismo.
Sa nasabing aktibidad, nagkaroon ng pagkakataon ang mga tour agency at promoters mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) na makipag-ugnayan sa mga provider at tourism stakeholders para sa kanilang tour packages at offers.
Sinabi rin ni Tamano na mahalagang plataporma ang regional travel fair sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at ipinakita rin nito ang kakayahan ng tourism sector na makaangkop sa mga pagbabago, lalo na noong pandemya at kasalukuyang krisis.
Mayroong hindi bababa sa 70 exhibitors mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kalahok sa B2C sessions.
Samantala, sinabi ni DOT-CAR director Jovi Ganongan na ipinagmamalaki ng rehiyon ang kagandahan, katatagan, at pagiging malikhain nito.
“Over the years the region has continued to develop tourism products that highlight sustainability, cultural preservation and community participation, values that remain essential as we move toward a more responsible and inclusive tourism industry,” ani Ganongan.
Ayon naman sa Philippine Statistics Authority, umabot sa 8.9 porsyento ang ambag ng turismo sa Gross Domestic Product ng bansa noong 2025, na nakatulong sa paglikha ng trabaho at pag-unlad ng mga lokal na komunidad. RNT/MND