MANILA, Philippines- Pagtatayo ng Philippine Construction Workers Academy ang isa sa magiging legacy ng Construction Workers Solidarity Partylist sa kanilang ikalawang termino sa Kongreso sakaling palaring manalo.
Sa kanilang paghahain ng Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination, sinabi ni Vladimir Pelaez na ang muli nilang pagtakbo ay upang isulong ang marami pang adhikain at kapakanan ng construction workers.
Ayon kay Pelaez, nasa 27 na ang naisulong nilang batas at may 23 pa ang hinihintay na maaprubahan.
Ang pagtatayo ng academy ayon sa grupo ay upang maging tuloy-tuloy ang skilled development ng mga manggagawa sa konstruksyon.
Suportado rin nila ang Build, build better more ng administrasyon Marcos.
Samantala, naghain din ng Certificate of Candidacy (COC) ang isang independent senator at engineer na si Jerson Ares na planong isulong ang batas na makapipigil sa bagyo at pagsasagawa ng mga irigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden