MANILA, Philippines – Naka-“red alert” na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga response mission kaugnay ng pananalasa ng Super Typhoon Pepito.
“Ang atin pong Sandatahang Lakas ng Pilipinas, naka red alert po tayo ngayon, lalo na po dito sa mga dadaanan nitong bagyo yung track po niya,” ani AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa isang radio interview nitong Linggo.
Sinabi niya na ang mga tauhan na ito, kasama ang mga reservist at miyembro ng civilian active auxiliary, ay naka-preposition at handang tumugon kaagad kung kinakailangan.
Bukod sa mga yunit na ito, naka-standby din ang iba’t ibang mga asset ng transportasyon ng AFP na binubuo ng 3,312 land vehicles, 120 sea craft, at 40 military aircraft sa ngayon.
Sinabi rin ni Padilla na isinaaktibo na rin ng AFP ang National Response Cluster nito para mapadali ang koordinasyon sa iba pang ahensya ng gobyerno na may tungkulin sa relief at rehabilitation work.
“So we are in direct coordination po with different agencies, (like the) DSWD (Department of Social Welfare and Development), yung mga relief goods kasama ang AFP sa pagdeliver ng mga ito, po yung Department of Health (DOH) katuwang din po. natin yan, pati po ang PNP (Philippine National Police) and DICT (Department of Information and Communications Technology), pati po ang DepEd (Department of Education) at DPWH (Department of Public Works and Highways), so lahat po ng ahensyang nagtutulong tulong po tayong lahat” dagdag pa ng AFP spokesperson. RNT