MANILA, Philippines – Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang ipinataw na sanctions ng China laban kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. at sa kanyang pamilya ay isa lamang paraan ng pananakot.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea na si retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, epektibo si Teodoro bilang kalihim ng depensa at nanguna sa pagpapalakas ng ugnayang pangdepensa ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
“Ito ay maliwanag na pananakot, kita naman natin ang napaka-effective na SND. Siya ang nanguna sa ating defense diplomacy, ang dami nang nalagdaan na enhanced defense relations sa iba’t ibang bansa,” ani Trinidad sa isang panayam.
Binanggit niya ang mga kasunduang pangdepensa na nilagdaan ng Pilipinas kasama ang Canada, France, at Japan habang si Teodoro ang namumuno sa DND.
Ipinagbawal ng China kay Teodoro at sa kanyang agarang pamilya ang pagpasok sa mga teritoryo nito at ipinagbawal din sa mga mamamayang Tsino ang pakikipagnegosyo sa kanila.
Ayon pa kay Trinidad, naging isa rin si Teodoro sa mga pinakamatitinding kritiko ng umano’y iligal at agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.
“It only shows that tama ang ginagawa niya. Tayo naman sa hanay ng AFP, total support tayo sa ating SND,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ng Ministry of Foreign Affairs ng China na ipinataw nila ang sanctions dahil umano sa mga “irresponsableng pahayag” ni Teodoro laban sa China na nakasama umano sa relasyon ng dalawang bansa. RNT/MND