Home NATIONWIDE Approval powers ng mga opisyal sa mga proyekto, ibinalik ng DPWH

Approval powers ng mga opisyal sa mga proyekto, ibinalik ng DPWH

3
0

MANILA, Philippines – Ibinalik ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kapangyarihan ng ilang opisyal nito na mag-apruba at lumagda sa iba’t ibang transaksiyong pinansyal kaugnay ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng bagong Department Order No. 74.

Nilagdaan ni DPWH Secretary Vivencio Dizon ang kautusan noong Hunyo 10. Kabilang sa mga pagbabago ang pagbibigay sa Undersecretary for Support Services ng kapangyarihang mag-apruba ng Notices of Transfer of Allocation (NTA) nang walang limitasyon sa halaga.

Ayon sa authority matrix ng kautusan, maaaring mag-apruba at lumagda sa mga transaksyon para sa bayad sa mga kontratista, consultancy contracts, pagbili ng kagamitan, at iba pang gastusin sa imprastraktura ang mga regional directors, district engineers, bureau directors, service directors, at Unified Project Management Office (UPMO) officials, ayon sa itinakdang limitasyon.

Para sa bayad sa mga kontratista, maaaring mag-apruba ang mga regional director ng hanggang P300 milyon, habang hanggang P100 milyon naman para sa mga district engineer.

Ipinatupad ang kautusan ilang buwan matapos irekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na bawasan ang approval authority ng mga regional at district officials bilang bahagi ng mga hakbang laban sa korapsyon kaugnay ng mga alegadong iregularidad sa flood control projects.

Layunin sana ng rekomendasyon ng ICI na palakasin ang oversight at mabawasan ang posibilidad ng korapsyon sa mga proyekto. Gayunman, nanatili sa bagong kautusan ang approval authority ng mga regional at district office officials.

Hindi binanggit sa Department Order No. 74 ang rekomendasyon ng ICI at wala ring ipinaliwanag na dahilan kung bakit pinanatili ang mga umiiral na approval thresholds. Wala pa ring pahayag si Dizon hinggil sa usapin sa oras ng paglalathala ng ulat. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here