MANILA, Philippines – SINABI ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nakikipag-away ang gobyerno ng Pilipinas sa Tsina sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Tugon ito sa naging panawagan ni Vice President Sara Duterte sa gobyerno na iwasang magalit ang Tsina.
“Yes, I support that statement na hindi tayo dapat nakikipag-away. Yun naman ang ginagawa ng ating gobyerno at ng bawat ahensya ng ating gobyerno,” ang sinabi ni AFP spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa press briefing.
“Hindi po tayo nakikipag-away sa kahit sino mang bansa sa WPS. Tayo lamang ay tumatayo sa ating karapatan na pinagkaloob ng Diyos sa atin, yung ating maritime entitlements, yung ating sovereignty and sovereign rights,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, pinagsabihan ni VP Sara ang gobyerno ng Pilipinas na huwag makipa-away sa ibang bansa kabilang na ang Tsina.
Sa pagsasalita sa pagtitipon ng mga Filipino workers sa Hong Kong, araw ng Linggo, ang suhestiyon ni VP Sara ay lutasin ang mga usapin gaya ng maritime dispute sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, ay mas ‘better handled’ sa pamamagitan ng diplomatic talks kaysa sa mainit na palitan ng mga salita online.
“Alam ninyo dapat kasi hindi nakikipag-away ang gobyerno o ang opsiyal ng gobyerno sa kahit na anong bansa dahil napaka-complicated ng relasyon ng dalawang bansa. Hindi lang siya isang bagay lang, maraming aspeto ang relasyon ng Pilipinas sa bawat bansa,” ang sinabi ni VP Sara.
Tinuran naman ni Trinidad na maaaring ituloy ng Pilipinas ang diplomasya habang pinapanatili ang posisyon ng pagtatangol nito.
Para kay Trinidad, ang bawat pinoy ay mayroong moral obligation na suportahan ang national interest ng Pilipinas.
“The Arbitral Tribunal of 2016 is a legal landmark that upheld the maritime entitlements of the Philippines. Ito ay dapat ibandera ng bawat Pilipino,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi pa Trinidad na sa panig ng AFP at Department of National Defense (DND), mayroong mandato ang mga ito na “to perform to secure the integrity of the national territory, protect sovereignty, and look after the welfare of the Filipino people.” KRIS JOSE