MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) na kagyat na ilabas ang pondo para sa relief operations kasunod ng pananalasa ng Tropical Storm Kristine.
“I have ordered the DBM Secretary to immediately release all necessary funds so that needed resources can be procured expeditiously,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang kalatas.
Siniguro rin ng Pangulo ang mabilis na pagkilos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para kaagad na makapagbigay ng relief goods, kapuwa pre-positioned at bagong suplay para madagdagan ang naibigay na ng local government units sa lahat ng mga apektadong lugar.
Magkakaloob naman ang DSWD ng tulong pinansiyal sa ilalim ng umiiral na government programs.
Inatasan naman ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) na ipatupad ang ‘quick planting at production turnaround plan’ para tulungan ang mga magsasaka na apektado ng masamang panahon.
Nauna rito, ipinag-utos naman ng Chief Executive sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kaagad na magsagawa ng emergency road clearing operations. Kris Jose