MANILA, Philippines – ITUTULAK ng administrasyong Marcos ang agarang pagpapasa ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) bill na naglalayong paghusayin ang paggamit ng public funds at pagsuporta sa pinakamahahalagang sektor sa gitna ng tumataas na global oil prices at geopolitical tensions.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang panukalang batas ay pinag-usapan nang pulungin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang UPLIFT Committee, araw ng Martes, para i-assess ang nagpapatuloy na government interventions upang tugunan ang global oil volatility sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Winika pa ni Castro na ang UPLIFT bill ay naglalayong bawiin ang restriksyon at i-optimize ang government resources para sa mga priority programs.
“Napag-usapan po ang balak na gawing batas, ipapasa po ang proposal na magkaroon ng UPLIFT bill,” ayon kay Castro.
Tinuran pa ni Castro na ang panukalang batas ay makapag-aalis ng two-year restriction sa inklusyon ng tiyak na government savings sa national budget.
Aniya, tutukuyin ng panukalang batas ang mga programa at proyektong maaaring pondohan.
Sinabi pa ni Castro na papayagan ng UPLIFT bill ang paggamit ng unreleased appropriations at unobligated allotments mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA), at maging ang unreleased funds mula sa 2026 GAA.
Ani Castro, ang batas ay prayoridad para sa agarang pagpapasa.
“Yes, dahil napapanahon. Dapat lamang po,” ani Castro nang tanungin kung ang UPLIFT bill ay agad na maipapasa.
“Walang nabigay sa ating timeline sa ngayon… pero definitely, ito ay mamamadaliin,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, iniulat naman ni Castro ang positive developments sa fuel at food supply sa bansa.
Aniya, oil buffer stock sa bansa ay tumaas ng 54 araw, habang inaasahan naman ang rollback sa presyo ng diesel.
Mayroon naman aniyang sapat na suplay ng bigas, manok, at baboy hanggang sa pagtatapos ng taon.
Samantala, ang UPLIFT Committee, na itinatag sa ilalim ng Executive Order 110, ay pinag-uugnay ang mga pagsisikap ng gobyerno upang tiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng gasolina at iba pang essential goods, at protektahan ang vulnerable sector mula sa tumataas na halaga sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan. (Kris Jose)