MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang agarang probisyon ng government assistance, benepisyo, kompensasyon at insurance proceeds sa pamilya ng dalawang Filipino seafarer na nasawi sa pag-atake sa Saudi-flagged crude oil tanker na SIDR habang bumabagtas ito sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinaalam ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac kay Pangulong Marcos ang tungkol sa insidente.
Kagyat namang nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Marcos at ang administrasyon sa naiwang pamilya at malalapit sa buhay ng dalawang Filipino seafarer na hindi pinangalanan, mula Cabuyao, Laguna, at Daanbantayan, Cebu.
“Ang Pangulo at ang administrasyon ay nakikiramay po sa pamilya ng dalawang seafarers,” ani Castro.
“Nag-utos na po ang Pangulo agad-agad na tulungan ang mga pamilya ng dalawa nating kababayan na nasawi at ibigay ang lahat ng kailangan nila pati ang benepisyo, compensation, insurance proceeds na naaangkop,” aniya pa rin.
Tiniyak ni Castro na hindi pababayaan ng gobyerno ang naiwang pamilya ng dalawang seafarer habang binigyang-diin ni Cacdac na patuloy siyang magbibigay ng update sa Pangulo ukol sa kaso.
Sa ulat, una nang sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa 16 ang mga Pilipinong tripulante na sakay ng tanker.
Nagawa nilang ma-contain ang naganap na sunog na resulta ng pag-atake, ngunit nasawi ang dalawang Pilipinong seafarer. (KRIS JOSE)