MANILA, Philippines – MULING pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang pangako na iangat ang buhay ng mga magsasakang Filipino.
Sa katunayan, binisita ni Pangulong Marcos ang balwarte ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, araw ng Huwebes, Disyembre 5 para personal na mamahagi ng 11,559 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) at 816 Certificates of Land Ownership Award (CLOA) titles at E-titles sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa rehiyon.
“Narito ako upang ipamahagi ang mga sertipikong magpapalaya sa ating mga agrarian reform beneficiaries sa inyong pagkakautang sa lupang pang-agraryo,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isang event na ginawa sa Panabo City, Davao Del Norte.
“Ang programang ito ay naglalayong gawing ganap na tagapagmay-ari ng inyong mga sinasaka. Ibig sabihin, wala na po kayong iisipin na babayarang amortisasyon, interes, at iba pang mga surcharge. Sa madaling salita, lahat ng inyong utang burado na. Limpyo na tanan,” dagdag na wika nito.
May kabuuang 9,158 ARBs mula Davao Del Norte, Davao De Oro, at Davao Oriental ang napalaya mula sa kanilang mga pagkakautang na nagkakahalaga ng P678,103,641.35.
“Bago matapos ang taon ay isusunod naman natin para sa mga Agrarian Reform beneficiary sa Davao del Sur, Davao Occidental, at sa Davao City,”ayon sa Pangulo.
Nagkaloob ang Pangulo ng 144 regular CLOA titles sa 142 ARBs sa Davao City at 672 e-titles sa 465 ARBs mula Davao Del Sur at Davao Del Norte.
“These initiatives are part of the Department of Agrarian Reform’s SPLIT Land Acquisition and Land Distribution Project, which accelerates the division and distribution of land to farmer-beneficiaries who previously did not own land,” ang sinabi Pangulong Marcos.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa mga magsasaka ang pangako ng pamahalaan na isulong ang ‘agricultural sustainability at inclusive growth.’
“Patuloy po ang pagsisikap ng gobyerno na mabigyan kayo ng mga proyekto na makakatulong sa pagpapalago ng inyong mga sakahan at magpapatatag sa sektor ng agrikultura,” ang winika ng Pangulo.
“Kaya ngayong araw, ipinagdiriwang din natin ang tagumpay na bunga ng inyong pagsisikap, ang inyong sakripisyo, at determinasyon. Makakaasa kayo na sa Bagong Pilipinas, hindi namin kayo pababayaan. Ang paglilingkod sa inyo ang nagbibigay sa amin ng inspirasyon para magsumikap sa aming tungkulin,” aniya pa rin. Kris Jose